BINUBUO na ng mga eksperto, katuwang ang Department of Science and Technology (DOST), ang isang teknolohiya na tutulong sa mga awtoridad laban sa mga lalabag sa batas trapiko.
Ayon kay Dr. Elmer Dadios, professor sa DLSU at project leader ng CATCH-ALL o Contactless Apprehension of Traffic Violators na mag-ooperate sa loob ng 24 oras, sa pamamagitan ng kanilang binuong software na ilalagay sa closed-circuit television (CCTV) cameras ay mas madali nang matutukoy ng mga awtoridad ang mga traffic violator.
Ang naturang software ng automated system na pinondohan ng DOST ay nagtataglay ng All Vehicle Detection System kung kaya madaling matutukoy ang mga numero ng plaka ng sasakyan, profile vehicles, paglabag sa number coding, beating the red light at swerving.
Idinagdag pa ng project leader na sa pamamagitan nito, madaling makapagtutukoy ng mga traffic violator without contact in real-time basis gamit lamang ang mga camera na kanilang ilalagay sa mga lansangan.
Aniya, taglay ng CCTV cameras ang artificial intelligence software para sa real-time monitoring ng traffic situation.
“Our ultimate goal is to allow CATCH-ALL to be tied up into the database of the Land Transportation Office. With this, we can come up finally with a no-contact apprehension and penalty sanctions to the violators,” paliwanag pa ni Dadios.
Ang naturang CATCH-ALL cameras ay may P3.5 million grant sa pamamagitan ng Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development (PCIEERD) ng DOST.
Ipakikita ang CATCH-ALL at iba pang makabagong teknolohiya sa pagdiriwang ng 2019 National Science and Technology Week (NSTW) sa July 17-21 sa World Trade Center, Pasay City. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.