CDE SA RENEWAL NG DRIVER’S LICENSE PINATATANGGAL

MULING iginiit ng isang kongresista ang pagtanggal ng Comprehensive Driver’s Education (CDE) requirement sa pagre-renewal ng driver’s license.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni House Deputy Speaker at Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez na hindi ito nakasaad sa batas.

“There is no provision on Republic Act 10930 which specifically states that such certification is required to renew a driver’s license, much more so in requiring that if the LTO portal cannot anymore receive applicants, they will go to a private school,” ayon sa kongresista.

Sinabi ni LTO chief Asec. Edgar Galvante na alinsunod ang memorandum sa Section 23A ng Republic Act 10930 na nagsasabing maaring gumawa ang LTO ng mga alintuntunin sa pag-iisyu ng lisensiya para matiyak na matitinong driver ang magkakaroon nito.

Katwiran niya ay napakaraming aksidente sa kalsada, maaring ang paghihigpit ang maging solusyon.
Libre aniya ang driver’s education center sa LTO office.

Para sa mga hindi makapupunta sa tanggapan ng LTO para sa lessons, gumawa ang LTO ng portal na maaring ma-access.

Ayon sa kaniya, kapag natapos ng mga applicant ang mga requirement at examination sa portal, maiisyuhan sila ng certificate na magpupruweba na natapos nila lahat ng kailangan para makapag-renew ng lisensiya.

“We are not imposing any additional fee for this requirement,” dagdag ni Galvante. EVELYN GARCIA