MAY kumpirmadong kaso ng African swine fever (ASF) sa isang barangay sa Cebu City, ayon sa lokal na awtoridad ng naturang lugar.
Sinabi ni Dr. Alice Utlang, head ng Cebu City Department of Veterinary Medicine and Fisheries (DVMF), na pitong alagang baboy sa Barangay Bonbon na nasawi ang nagpositibo sa ASF.
Ayon sa ulat, ang findings ay base sa pagsusuring isinagawa ng Department of Agriculture (DA) Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory Central Visayas sa blood samples ng mga nasawing baboy.
Naghigpit ng kanilang border control ang naturang barangay matapos makumpirma ang kaso ng ASF. Kasunod ng naturang resulta ng laboratory, nanawagan si Utlang sa mga lokal na magsasaka na huwag munang payagan ang kahit sino na pumasok sa kanilang mga farms bilang bahagi ng kaukulang biosecurity measures ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Utlang, kailangan pang magsagawa ng disinfection sa mga apektadong farms upang pigilan ang pagkalat ng naturang sakit.
Aniya, nagsimula na ang DVMF at Cebu City Agriculture Department ng pamamahagi ng disinfectant sa mga apektadong farms. “Protect your own barangay and pig farm,” ang panawagan ni Utlang.
Magsasagawa na, aniya, ng “culling” o pagpaslang sa mga alagang baboy sa naturang lugar upang pigilan ng pagkalat ng ASF, ayon sa mga lokal na awtoridad.
Ayon sa ulat, kinumpiska rin ng DVMF ang tinatayang 84 kilo ng karne ng baboy na nagmula sa bayan ng Alcantara sa,Cebu na nalamang walang meat inspection, sa isang operasyon na isinagawa nitong Biyernes, Hulyo 19.
Ang pagkumpiska ay bahagi ng pagtitiyak ng lokal na mga awtoridad na tanging ang mga meat product na ligtas kainin ang makakapasok sa kanilang lugar.
MA LUISA MACABUHAY-GARCIA