MATAPOS magmatigas, nakipagsundo na rin si Cebu Governor Gwen Garcia na tuldukan na ang ‘face-off’ sa pagpapatupad ng mask mandate, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año nitong Huwebes.
Sinabi ni Año na nagkausap na sila ni Garcia at kapwa sila sumang-ayon sa isang kompromiso kaugnay sa ordinansa ng lalawigan na maging opsyonal ang pagsusuot ng face masks sa outdoor at well-ventilated areas.
“They are currently crafting an IRR (implementing rules and regulations) there to rationalize the wearing of a face mask and we will wait for the result of the IRR before we give further guidance. They will also craft how to enforce the ordinance rationalizing the wearing of face masks. So they will wait for that,” pahayag ng kalihim sa isang gun exhibit sa Mandaluyong City.
Una dito, ipinaliwanag ni Año na ang ordinansa na ipinasa ng Cebu provincial board ay hindi angkop sa Executive Order (EO) 151 ng Pangulong Rodrigo Duterte na nag-aatas na magsuot ng face masks sa lahat ng lugar maliban sa mga pinahihintulutang pagkakataon.
Binigyang-diin niya na nananatili pa ring nasa ilalim ng state of public health emergency at state of calamity ang bansa, hanggang Setyembre 12.
Dagdag ng DILG chief, patuloy pa ring istriktong ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang mandatory face mask rule na iniuutos ng Pangulo sa Cebu at ang lahat ng police officers na hindi susunod sa direktiba ay sisibakin sa kanilang duty.
Magugunitang una na rin ipinagiitan ng gobernadora ng Cebu na ang resulusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ay “recommendatory in nature” lamang. EVELYN GARCIA