TINANINGAN ng isang linggo ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang Cebu provincial government upang ituwid o iwasto ang kanilang kontrobersiyal na executive order (EO) na opsyonal na ang pagsusuot ng face mask sa lalawigan.
Sa isang press conference, sinabi ni Año na pinag-iisipan na nito ang paghahain ng kaso laban kay Cebu Governor Gwen Garcia kaugnay sa inilabas na EO 16 na nagsasaad na ang pagsusuot ng face mask ay kinakailangan na lamang sa closed and air-conditioned spaces sa ilalim ng kanyang hurisdiksiyon.
“Lahat ng options ay gagawin natin dito. Ito naman ay meron ring instructions ng Office of the President na we should seek all remedies at kung wala, we could also pursue legal actions,” pahayag ni Año.
“Maybe over the weekend, we will give them the chance to rectify. After the weekend, we will do whatever is necessary. I’m consulting with my legal team and hindi pa namin ia-announce ngayon (we will not announce yet). We’ll just do what is legal and what is commensurate to that particular action of the Cebu provincial government,” dagdag pa ng kalihim.
Binigyang- diin ng kalihim na nilabag ng provincial government ang Executive Order No. 151, series of 2021 ukol sa Nationwide Implementation of the Alert Level System for COVID-19 Response at ang mga panuntunan na kailangang ipatupad sa ilalim nito.
Una dito, sinabi naman ni Garcia na hindi niya kinikilala ang resolution ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mandatoryong pagsusuot ng face masks bilang batas.
Giit nito, ang panuntunan ng IATF ay wala sa batas at hindi rin pinagtibay sa Kongreso o kautusan na nilagdaan ng Pangulo. EVELYN GARCIA