CEBU GOV UMALMA: PROBLEMA NG TRAPIK SA METRO CEBU PINALALA NG MGA HUKAY NG DITO TELECOM

GOV GARCIA-DITO TELECOM

LUMALA ang problema sa trapik sa Metro Cebu dahil sa ginagawang paghuhukay ng Dito Telecommunity Corp. sa kahabaan ng highway ng bayan ng Consolacion.

Dahil dito ay ipinatawag ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang mga opisyal ng third telco ng bansa, gayundin ang contractor nito, para tugunan ang naturang isyu.

Sa isang miting sa mga local chief executive mula sa northern towns ng Metro Cebu noong Biyernes, sinabi ni Garcia na naniniwala sila na ang isinasagawang paghuhukay ng third telco player ng bansa para magkabit ng fiber optic cables sa tabi mismo ng highway ay nakapagpalala sa problema sa trapik sa lugar.

Iniulat ng mga lokal na opisyal na dumalo sa pagpupulong na may kabuuang 11 potholes para paglagyan ng communication cables ng Dito.

“They’ve been digging along the highway which led traffic to be narrowed down to one lane instead of the usual two lanes,” sabi ni Garcia.

Sinabi pa ni Garcia na kung hindi matatakpan ng Dito at ng contractor nito ang mga butas ng steel plates, nakahanda ang provincial government na gawin ito subalit sisingilin nila ang telecom company.

“Everybody has to be cooperating here,” dagdag pa niya. “All hands on deck.”

Binalaan din ng gobernadora ang Dito at ang contractor nito na mapipilitan silang gumawa ng ibang hakbang kapag hindi naaksiyunan ng huli ang isyu.

“If they cannot correct what they did, which already is an added burden to the Cebuanos who have suffered enough from traffic, I might have to resort to other actions,” ani Garcia.

Dumalo sa miting sina Mayors Johannes Alegado (Consolacion), at Christina Frasco (Liloan), at ang mga kinatawan mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Land Transportation Office (LTO), at  Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Nabatid mula kay Alegado na nagsimula ang paghuhukay, isang buwan na ang nakalilipas, at inaasahang matatapos ito sa ikalawang linggo ng Disyembre.

Gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang kanilang trabaho, ayon kay Alegado.

Sa mga nakalipas na linggo ay dumagsa ang reklamo ng mga motorista hinggil sa mabigat na trapik sa Cebu North Road.

Comments are closed.