CEBU CITY– Isang araw bago ang pagtatapos ng 2018 Philippine National Games ay nagdiwang ang host Cebu City sa paghahari sa weeklong competition na nilahukan ng mga national athlete, miyembro ng national training pool at iba pang atleta mula sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.
Inaasahang madaragdagan pa ang medalya na makukuha ng mga Cebuano sa ibang sports at dance sports kung saan kilala ang Cebu bilang ‘Dance Capital of the World’ bukod sa pamosong tawag na ‘Queen City of the South’.
Hanggang press time kahapon, ang host city ay may 26 ginto, 39 pilak at 37 tanso, habang nasa malayong pangalawa ang Man-daluyong na may 20-10-10, kasunod ang Baguio (16-25-23), General Santos (15-18-22), Mandaue (12-6-7), Zamboanga (12-4-8) at Leyte (11-5-2).
Nakalikom naman ang Manila ng 8-5-10; Pasig, 7-11-10; Makati 3-2-4; Parañaque, 3-1-2; Pasay, 2-2-2; Muntinlupa, 2-1-6; at Quezon City 1-7-9 sa torneo na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni Chairman William Ramirez, sa pakikipagtulungan ng local government units at sinuportahan ng Smart at STI.
Karamihan sa medalya na nakuha ng host city ay mula sa athletics, swimming, taekwondo at lawn tennis.
Humakot ang mga Cebuano ng limang ginto, dalawang pilak at apat na tanso sa taekwondo at lawn tennis men’s doubles.
Ang medal campaign ng host city sa taekwondo ay pinangunahan nina Aidaine Krishia Laxa at Lee Robiegaylie Navales na nanalo ng tig-2 ginto.
Nagwagi rin ang host team sa men’s softball kontra Bago City, 10-1, at women’s laban sa Tacurong, 8-7.
Ang mga natitirang sports at nilalaro hanggang press time kahapon ay ang boxing, softball, baseball, football, table tennis at volleyball. CLYDE MARIANO
Comments are closed.