SANG pulis na naka-aasign sa Cebu ang pinakabagong nasawi sa COVID-19 dahilan para sumampa sa 85 ang fatalities sa nasabing sakit.
Batay sa datos ng Philippine National Police-Health Service, si Patient No. 85 na 51-anyos at may ranggong Police Executive Master Sergeant ay namatay noong Agosto 1.
Sinabi ni PNP Chief, General Guillermo Eleazar na ang sanhi ng kamatayan ng biktima ay Severe Acute Respiratory Illness secondary to COVID-19.
Noong Hulyo 30 ay dumanas ang biktima ng mild symptoms ng COVID-19 at noong Hulyo 31 ay sumailalim ito sa RT-PCR test at positive result.
Alas-3 ng hapon noong Agosto 1 ay idineklara itong patay ng physician.
“Tayo po ay lubos na nakikiramay sa pamilya ng pulis. Nalaman rin po natin na siya ay nakatanggap na ng unang dose ng Covid-19 vaccine. Isang paalala po ito sa ating mga kasamahan sa PNP na kahit tayo ay bakunado na, ibayong pag-iingat pa rin ang kailangan. Magsuot ng facemask/faceshield, maghugas ng kamay at higit sa lahat maglinis ng kapaligiran”, pahayag ni Eleazar.
Hanggang Agosto 2, 30,837 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa PNP kabilang ang bagong kaso na 99 habang ang mga gumaling ay 29,437 makaraang madagdag ang new recoveries na 61.
Nananatili naman sa iba’t ibang ospital ang 1,315 pulis. EUNICE CELARIO
Comments are closed.