Ten years matapos ang insidente sa Serendra Condominiums sa Taguig City, napatunayang nagkasala sina Cedric Lee, Deniece Cornejo at dalawa pang akusado sa kasong serious illegal detention kay It’s Showtime host Vhong Navarro. Ito ang pahayag ng legal counsel ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga.
Hinatulan sila ng korte na guilty “beyond reasonable doubt” nitong Thursday, May 2, 2024. Kasama rin sa hinatulan sina Zimmer Raz at Ferdinand Guerrero, kung saan inutos din ng korte na arestuhin silang apat at ikulong para sa parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo. Hindi sila pwedeng magpasok ng bail bond.
Gayunman, maaari pa itong iapela sa Korte Suprema.
Matatandaang ginapos, binugbog, tinakot at dinitine ng apat na akusado si Navarro sa condo unit ni Deniece sa Taguig City, noong gabi ng January 22, 2014.
Hindi nagpakita sa korte sina Cedric at Ferdinand kahit nang ihayag na ang “promulgated of judgment” sa mga akusado.
Noong July 2018, guilty din ang hatol kina Cedric at Denice para sa kasong grave coercion.
Naglabas na ng arrest warrant para sa apat at anumang oras ay ipapasok na sila sa kulungan.