ni Riza Zuniga
ISANG makabuluhang pagdiriwang ang inihatid ng mga mag-aaral sa pamunuan, guro at kapwa estudyante ng Marikina Polytechnic College, bilang pagpupugay sa kolaborasyon mga kurso sa Art Appreciation, Rizal at Ethics noong nakaraang linggo.
Sinimulan sa inihanda ng mga mag-aaral na “Patikim” ng mga pagkain mula sa iba’t ibang rehiyon at probinsya sa bansa. Nakakaganyak sa mga bumisita ang mga piling pagkaing inihain sa publiko gayundin ang ayos at palamuti ng kani-kanilang mga patikim na delicacy.
Ito ay nasundan ng programa sa pagpapamalas ng kagalingan sa pagsasayaw, fashion show, pag-awit at eksibisyon sa naipinta at pop-art mula sa mga artists ng MPC, MPC Chorale, at MPC Dance Troupe.
Ang tema na “Celebrating Art as Therapy, Inspired by History,”ay nagpamalas ng galing ng mga kabataan sa iba’t ibang larangan sa sining. Nagkaroon din ng Art Talk at isa sa nagbigay ng inspirasyon nang hapon iyon ay si Dan Cercado, isang kilalang photographer na nanghikayat sa mga mag-aaral na kahit mobile phone lamang ang hawak, ito ay maaaring gamiting camera sa pagkuha ng mga larawang tutugon sa “Art as Therapy.”