INALMAHAN ng tinaguriang ‘Makabayan bloc’ sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang plano ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na dalawang independent companies lamang ang payagang maging tower providers sa bansa sa ilalim ng niluluto nitong common tower policy.
Ayon kay Anakpawis partylist Rep. Ariel Casilao, walang dudang mauuwi lamang sa pagkakaroon ng ‘duopoly’ ang binabalak na pagpapasok na ito sa bago at hiwalay na private entities sa larangan ng telekomunikasyon ng bansa na pag-uugatan lang ng korupsiyon.
Paliwanag ni Casilao, hindi mababantayan at makokontrol ng pamahalaan ang operasyon ng papapasuking dalawang independent companies na magiging tower providers sa bansa.
Aniya, ang paniniwala ng kanilang grupo sa Kamara ay dapat na ang mismong pamahalaan na ang mamahala sa pagpapatayo ng telecom tower o mobile at internet cell sites at sa operasyon nito sa halip na ipaubaya sa panibagong pribadong kompanya.
Giit ng mambabatas, duda sila na mapapabuti ang serbisyo ng telekomunikasyon sa bansa kung ibibigay sa panibagong independent private company ang pagmamay-ari o operasyon ng cell sites sa halip na sa mismong telcos, gaya ng iginigiit ng DICT kung kaya isinusulong nito ang naturang bagong polisiya.
“What we urged is that pure government efforts to construct and maintain (telecom towers). Do not delegate that to another private entity, that will eventually lead to monopoly or even duopoly,” sabi ni Casilao.
Magugunita na ipinangangalandakan ni Presidential adviser on economic affairs Ramon Jacinto na makabubuti sa telecom sector ng bansa kung hiwalay na private entity na ang may sagot pagdating sa cell site towers.
Ani Jacinto, sa target na 50,000 na bagong telecoms tower na magagawa kapag naipatupad na ang polisiya ay dalawang kompanya lamang muna ang bibigyan ng permiso na makapag-operate.
Bunsod nito, sinabi ni Casilao na walang dudang mapupunta lamang sa pagkakaroon ng ‘duopoly’ ang binabalak na pagpapasok na ito sa bago at hiwalay na private entities sa larangan ng telekomunikasyon ng bansa.
Binigyan-diin pa ng partylist lawmaker na posibleng panibagong pabigat na naman sa gastusin at bayarin ng sambayanang Filipino ang pagkakaroon ng independent tower operator dahil tiyak ay sisingilin nito sa mamamayan ang kanilang construction at operation costs.
“These two new independent players that will be tapped to carry out the implementation of the common tower policy will just dictate on the price of their services which may be very disadvantageous to the public interest, and that is really very unfortunate,” dagdag pa ni Casilao.
Nauna na ring kinontra ni industry giant American Tower Corp. chief business officer in Asia Manish Kasliwal at ng Telenor Norway ang planong dalawang independent companies lamang ang payagang maging tower providers sa bansa.
Giit nila, hindi dapat limitahan ng pamahalaan ang bilang ng mga kompanya na nais pumasok sa ‘independent tower provider sector’ sa Filipinas.
Comments are closed.