CELL SITES SA PUBLIC SCHOOLS HINILING NA ITAYO PARA MATIYAK ANG INTERNET CONNECTIVITY

Senador Win Gatchalian-4

IMINUNGKAHI  ni Senador Win Gatchalian ang pagpapatayo ng cell site sa bawat pampublikong paaralan upang magkaroon ng internet ang may 42,046 barangay sa bansa.

Ayon kay Gatchalian, dahil bawat barangay ay may pampublikong paaralan, marapat lamang na magkaroon dito ng cell site upang makagamit ng internet ang mga paaralan at komunidad.

Aniya, makatutulong ang panukalang ito upang pabilisin ang paglalagay ng libreng Wi-Fi hotspots sa mga pampublikong lugar sa bansa, kabilang na ang mga paaralan.

Dagdag ng senador, higit na kailangang magkaroon ng internet sa bawat paaralan at komunidad upang maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

“Dalawang layunin ang matatamo natin. Sa halos 62,000 paaralan sa bansa, mayroong 47,000 na public schools. Mayroon namang 42,000 barangay sa bansa. Kung bawat barangay ay may elementarya at kung puwede nating patayuan ng cell site at Wi-Fi-based station sa bawat elementarya, sagip na natin ang buong Filipinas dahil buong barangay ay makakabitan natin ng cell site,” ani Gatchalian.

“Ang panukala natin sa mga telecommunication companies ay gamitin ang lupa ng ating mga public school,” dagdag pa ng senador.

Sa datos ng DepEd, nasa 58 porsiyento sa elementarya, 80 porsiyento sa junior high school, at 72 porsiyento naman sa senior high schools ang konektado sa internet subalit sa tala naman ng Project Bandwidth and Signal Statistics (BASS), 44 porsiyento o 20,398 pampublikong paaralan na may layong 6 na kilometro o higit pa ang pinakamalapit na cell site kung kaya mahina o walang internet ang umaabot sa mga paaralang ito.

At upang maging maayos ang signal ng internet sa isang paaralan, dapat ay hindi ito lalayo ng mahigit 3 kilometro mula sa isang cell site.

“Kung mayroon sana tayong sapat na imprastraktura, mayroon  tayong internet, mayroon tayong mga gadgets, hindi magiging problema ‘yung pagtuturo sa mga estudyante, lalo na ngayong kailangan nating mag-shift sa distance learning,” pahayag ni Gatchalian.

“Kahit wala nang COVID-19, importante ring pagsikapan nating maabot ang bawat isang kabahayan gamit ang internet, at mabigyan natin ang mga bata ng kagamitan, mga gadgets, para magamit nila sa pag-aaral,” dagdag ng senador.

Kamakailan, inihain ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ang isang resolusyon para suriin ang pagpapatupad ng Republic Act No. 10929 o ang Free Internet Access in Public Places Act.

Layunin ng Senate Resolution No. 392 na alamin ang saklaw ng pagpapatupad ng naturang batas sa mga mga pampublikong paaralan, Alternative Learning System o ALS centers, state universities and colleges o SUCs, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at mga community learning center. VICKY CERVALES

Comments are closed.