CELLPHONE NG LAW STUDENT ISINAULI NG STREET SWEEPER

CAVITE- HINDI akalain ng isang law student na maisasauli pa ang nawawala niyang cellphone sa bayan ng Rosario sa lalawigang ito.

Laking gulat na lamang ni Lei Miranda ng sadyain siya mismo ng isang street sweeper na si Lolo Alberto Palmes, 72-anyos at isinauli ang kanyang cellphone.

Ayon kay Miranda, papasok na sana siya sa opisina nang matuklasang nawawala ang kanyang cellphone.

Inisip nitong baka naiwan lang sa sinakyan nitong pedicab, kaya agad niya ito binalikan. Subalit walang nakita tulad ng inaakala.

Napulot pala ito ni Palmes, ganap na alas-7:30 nitong Miyerkules ng umaga sa kalsada ng Brgy. Silangan 1, Rosario, Cavite.

“Hindi ko pag-aari ang celpon na yan, normal lang na isauli ko ito sa tunay na may-ari. Alam ko, hinahanap na niya ito”, kuwento ni Palmes.

Nang magring ang celpon ay agad na sinagot ni Palmes ang tawag at dito nga ay natuklasan niya ang tunay na may-ari ng celpon.

Kaya agad niya itong sinadya sa opisina.

Nag-abot ng pinansiyal na pabuya ang law student bilang gantimpala sa ginawang kabutihan ng street sweeper.
SID SAMANIEGO