UPANG mailayo sa anumang bisyo gaya ng sugal, inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Dionardo Carlos ang lahat ng mga field commander na regular na inspeksyunin ang mga cellphone at gadget ng kanilang mga tauhan.
Ang direktiba ni Carlos ay matapos na mahuli mismo ng The Chief Directorial Staff ang isang pulis na naglalaro ng e-sabong sa kanyang cellphone sa loob ng kampo.
Sa flag raising ceremony kahapon, binigyang diin ng PNP Chief na ipinagbabawal sa mga pulis na maglaro ng e-sabong o anumang laro sa oras ng kanilang duty.
Aniya, ilang ulit na rin nitong pinaalalahanan ang mga tauhan ng PNP ukol sa patakarang ito, kaya ngayon ay maghihigpit na at iinspeksyunin na ang cellphone ng mga pulis.
Naniniwala si Carlos na hindi ito paglabag sa “privacy” ng mga pulis, kundi hakbang para mapangalagaan ang mga miyembro ng PNP mula sa pagkabaon sa utang.
Sinabi ni Carlos na maraming nababaon sa utang dahil sa e-sabong, at maaring matukso ang mga pulis na gumawa ng kalokohan para lang may pang-sugal. EUNICE CELARIO