CELTICS 2-0 NA VS MAVS

NAGBUHOS si Jrue Holiday ng team-high 26 points at muntik nang maka-triple-double  si Jayson Tatum nang pataubin ng Boston Celtics ang Dallas Mavericks, 105-98, sa Game 2 ng NBA Finals noong Linggo ng gabi.

Nagtala si Holiday ng 11-for-14 mula sa field at kinuha ng Boston ang 2-0 lead sa best-of-seven series. Tumapos si Tatum na may 18 points, 9 rebounds at 12 assists para sa Celtics, na nakakuha rin ng 21 points mula kay Jaylen Brown at 18 kay Derrick White.

Nagsalansan si Luka Doncic ng 32 points, 11 boards at 11 assists para sa Dallas, na nagawa pa ring ma-outshoot ang Boston, 47.5 percent-45.2 percent sa kabuuan. Nag-ambag si P.J. Washington ng in 17 points, gumawa si Kyrie Irving ng 16 at kumabig si Daniel Gafford ng 13.

Nakatakda ang Game 3 sa Miyerkoles sa  Dallas.

Tinangka ng Mavericks na maglunsad ng late rally kasunod ng 3-pointers nina Holiday at White sa back-to-back possessions na nagbigay sa Boston ng 103-89 kalamangan, may 3:34 ang nalalabi sa laro.

Umiskor si Derrick Jones Jr. ng apat na sunod na puntos bilang bahagi ng 9-0 spurt na nagtapos sa isang  three-point play mula kay Doncic, subalit isang layup ni Brown sa huling 29.8 segundo ang tumapos sa anumang pag-asa na nalalabi para sa Dallas.

Dumakdak si Dereck Lively II upang makalapit ang Mavericks sa 63-61, may 7:30 ang nalalabi sa third quarter, subalit pagkatapos nito ay nagsimula nang lumayo ang Celtics. Naitala ng Boston ang 17 sa sumunod na 23 points, kabilang ang tres ni Brown na naglagay sa talaan sa 80-67, may 2:04 ang nalalabi sa period.

Naibaba ng Dallas ang deficit sa anim bago matapos ang quarter, subalit isinalpak ni Payton Pritchard ang isang 34-foot 3-pointer sa buzzer upang ihatid ang Boston sa fourth na may 83-74 cushion.

Nanguna si Doncic sa first quarter, sa pagkamada ng 13 points upang bigyan ang Dallas ng 28-25 kalamangan. Nanatiling nakadikit ang Celtics sa pagtala ng 10-for-10 mula sa free-throw line sa unang 12 minuto ng aksiyon.

Makaraang isalpak ni Doncic ang isang fadeaway, may 10:08 ang nalalabi sa  second quarter upang bigyan ang Mavericks ng 35-29 lead, ang Boston ay bumanat ng 11-2 run upang umangat sa 40-37.