NAGBUHOS si Jaylen Brown ng game-high 40 points at kumalawit ng 5 rebounds upang pangunahan ang Boston Celtics sa 126-110 panalo laban sa bisitang Indiana Pacers sa Game 2 ng Eastern Conference finals noong Huwebes.
Si Brown ay 14 of 27 mula sa floor at ipinasok ang 8 of 11 free throws. Tangan ng Boston ang 13-point lead makalipas ang tatlong quarters at nakalapit ang Pacers ng hanggang 11 points lamang sa fourth.
Ang panalo ay nagbigay sa Boston ng 2-0 lead sa best-of-seven series, na lilipat sa Indianapolis para sa Game 3 sa Sabado. Ang Pacers ay may 6-0 home record sa playoffs ngayong season.
Lumabas si Indiana point guard Tyrese Haliburton sa third quarter dahil sa left leg soreness. Nakakolekta siya ng 10 points at 8 assists sa loob ng 28 minuto.
Isinalpak ni Pascal Siakam ang 13 sa 17 field-goal attempts at pinangunahan ang Pacers na may 28 points. Nagdagdag si Andrew Nembhard ng 16 points para sa Indiana.
Umiskor sina Jayson Tatum at Derrick White ng tig- 23 points para sa Celtics. Nag-ambag si Al Horford ng 6 points at team-high 10 rebounds.
Pinangunahan ni Brown ang lahat ng first-half scorers na may 24 points. Naghabol ang Boston sa 27-25 matapos ang isang quarter subalit kinuha ang 57-51 halftime lead.
Kinuha ng Boston ang trangko, salamat sa 20-0 run. Naitala ng Celtics ang huling tatlong puntos sa first quarter at ang unang 17 points sa second quarter upang kunin ang 42-27 bentahe. Hindi nakaiskor ang Indiana sa second quarter hanggang isalpak ni Aaron Nesmith ang dalawang free throws, may 6:45 ang nalalabi sa quarter.
Lumapit ang Indiana sa 2 points, 68-66, matapos ang 3-pointer ni Siakam, may 7:55 ang nalalabi sa third, subalit nakuha ng Boston ang 93-80 bentahe papasok sa huling 12 minuto.
Nilisan ni Luke Kornet ng Celtics ang laro sa first quarter dahil sa sprained left wrist at hindi na bumalik sa court.
Hindi naglaro si Boston center Kristaps Porzingis sa walong sunod na game dahil sa calf strain.