CELTICS AYAW PAAWAT, WINNING STREAK NAHILA SA 9 GAMES

NAGBUHOS si Jaylen Brown ng  31 points at tumapos si Jayson Tatum na may 29 points, 11 rebounds at 8 assists upang tulungan ang Boston Celtics na hilahin ang kanilang  winning streak sa siyam na laro makaraang dispatsahin ang bisitang Philadelphia 76ers, 117-99, noong Martes ng gabi.

Naghabol ang Philadelphia ng dalawang puntos, may 8:50 ang nalalabi, subalit kinamada ng Boston ang sumunod na 16 points upang kunin ang  107-89 kalamangan, may 4:00 sa orasan. Ang Boston ay may 56-28 bentahe sa rebounds.

Nagtala si Tyrese Maxey ng game-high 32 points para sa 76ers, na nakakuha ng 16 points mula kay Ricky Council IV.  Tumapos sina Tobias Harris at  Cameron Payne na may tig-13.

Nagdagdag si Kristaps Porzingis ng 23 points at 12 rebounds para sa Celtics, na naipasok ang 34 sa kanilang 37 free throws. Ang 76ers ay 11 of 12 mula sa free-throw line.

Ang Philadelphia ay natalo sa siyam sa 13 games magmula nang mawala si  Joel Embiid dahil sa knee injury noong nakaraang buwan, at hindi umiskor ng mahigit sa 104 points sa kanilang huling limang laro. Ang 76ers ay 1-3 laban sa  Celtics ngayong season.

Warriors 123, Wizards 112

Na-outscore ni Klay Thompson si Jordan Poole sa bench duel ng dating teammates, naging matagumpay ang pagbabalik ni Chris Paul mula sa 21-game absence at pinataob ng Golden State Warriors ang host Washington Wizards.

Sa gabing hindi naglaro si Andrew Wiggins dahil sa personal reasons at naipasok ni Stephen Curry ang 4 lamang sa 16 3-pointers, ang Warriors ay sumandal sa mainit na kamay ni Thompson at sa  63-36 bentahe sa points mula sa arc sa ika-9 na panalo sa 11 games.

Si Thompson ang pinaka-produktibo sa long-range shooters ng Golden State, isinalpak ang 6 sa 11 triples tungo sa team-high 25 points sa 27 minutong paglalaro. Ipinasok ng Warriors ang 21 sa 46 tres.

Samantala, nagtala lamang sj Poole ng 2-for-8 mula sa arc at 5-for-17 overall tungo sa 12 points laban sa koponan na nag-trade sa kanya bilang bahagi ng package para kay Paul noong nakaraang offseason.

Bucks 123, Hornets 85

Umiskor si Giannis Antetokounmpo ng 24 points at nagdagdag si Damian Lillard ng 23 points, 9 rebounds at 7 assists para tulungan ang Milwaukee Bucks na padapain ang bisitang Charlotte Hornets.

Nagdagdag si Bobby Portis ng 21 points at 8 rebounds mula sa bench at nagposte si Jae Crowder ng 10 points at 7 rebounds para sa  Bucks.

Nanguna si Miles Bridges para sa Charlotte na may 17 points subalit 6 of 15 lamang mula sa floor.  Gumawa si Tre Mann ng 16 points at nagdagdag si Brandon Miller ng 14.

Bumanat ang Milwaukee ng 20-2 run sa kalagitnaan ng first quarter upang kunin ang 24-11 lead. Umiskor si Lillard ng 14 sa quarter at nagdagdag si Antetokounmpo ng 11.