NAGPOSTE si Sam Hauser ng career highs na 30 points at 10 3-pointers upang pangunahan ang short-handed Boston Celtics sa 130-104 road victory laban sa Washington Wizards noong Linggo ng gabi.
Ipinasok ni Hauser ang 10 sa kanyang unang 12 3-point attempts. Nairolyo niya ang kanyang left ankle matapos ang kanyang 13th 3-point attempt, nagtungo sa locker room, may 7:43 ang nalalabi sa third quarter at hindi na bumalik sa laro. Ang Boston ay 24-of-50 mula sa 3-point territory sa panalo.
Ang record ng Celtics para sa 3-pointers sa isang game ay 11 na naitala ni Marcus Smart laban sa Phoenix noong 2020. Si Jaylen Brown, kumana ng 10 3-pointers laban sa Orlando noong 2021, ang isa pang Boston player na may hindi bababa sa 10 3-pointers sa isang laro sa franchise history.
Nagdagdag si Jayson Tatum ng 30 points, 6 rebounds at 6 assists para sa Boston (53-14), na naglaro na wala ang tatlong starters. Sina Brown (ankle), Kristaps Porzingis (right hand strain) at Derrick White (hand) ay hindi naglaro sa panalo.
Nagbuhos si Jordan Poole ng game-high 31 points para sa Washington (11-57). Kumabig si Justin Champagnie ng 14 points at 8 rebounds para sa Wizards, na natalo ng apat na sunod at 20 sa kanilang huling 22.
Mavericks 107,
Nuggets 105
Umiskor si Luka Doncic ng 37 points at isinalpak ni Kyrie Irving ang isang left-handed floater sa buzzer, at nalusutan ng host Dallas Mavericks ang fourth-quarter rally upang gapiin ang Denver at putulin ang five-game winning streak ng Nuggets.
Humabol ang Denver (47-21) mula sa 13-point, fourth-quarter deficit at umabante sa 105-102 bago naitabla ng 3-pointer ni Doncic ang laro, may 25 segundo ang nalalabi. Makaraang kapusin ang tira ni Jamal Murray sa final possession ng Denver, tumawag ang Dallas (39-29) ng timeout upang isaayos ang game winner ni Irving.
Tumapos si Irving na may 24 points at 9 assists para sa Dallas, na nagtala ng season-high 22 offensive rebounds. Nakalikom si Dereck Lively II ng 14 points at 8 rebounds, at kumalawit si P.J. Washington Jr. ng 11 rebounds.
Naitala ni Murray ang 12 sa kanyang 23 points sa fourth quarter upang pangunahan ang Nuggets. Nagdagdag si Michael Porter Jr. ng 20 points, nagsalansan si Nikola Jokic ng 16 points, 11 rebounds at 7 assists, tumipa si Aaron Gordon ng 11 points, at nag-ambag sina Christian Braun at Kentavious Caldwell-Pope ng tig-10.
Bumalik si Doncic makaraang lumiban ng isang laro dahil sa left hamstring soreness at umiskor, may 6:50 ang nalalabi sa laro upang bigyan ang Mavericks ng 98-85 kalamangan.
Spurs 122,
Nets 115
Humataw si Victor Wembanyama ng 33 points, 15 rebounds, 7 assists at 7 blocked shots upang pangunahan ang San Antonio Spurs sa 122-115 overtime victory laban sa Brooklyn Nets sa Austin, Texas.
Nalamangan ang San Antonio ng 10 points sa kalagitnaan ng fourth quarter subalir nakahabol upang itabla ang laro sa 107 sa dunk ni Wembanyama, may 1:45 sa orasan. Kinuha ng Spurs ang kalamangan sa 3-pointer ni Keldon Johnson sa sumunod na possession, ngunit isinalpak ni Brooklyn’s Dennis Schroder ang isang jumper mula sa arc, may 16 segundo ang nalalabi upang itabla ang laro sa 110 at ihatid ang laro sa extra period.
Nagdagdag si Devin Vassell ng 25 points at 8 assists habang tumipa si Johnson ng 24 points, nagtala si Tre Jones ng 11 points at 7 assists at umiskor si Cedi Osman ng 10 points para sa San Antonio (15-53) na pinutol ang three-game losing streak.