PAPASOK ang NBA Finals sa krusyal na Game 3 na may dalawang malinaw na posibilidad: kukunin ng Boston Celtics ang commanding 3-0 lead at lalapit sa unang titulo ng franchise magmula noong 2008, o mananatiling buhay ang kampanya ng Dallas Mavericks at magsisimulang baligtarin ang kaganapan ng one-sided series.
Nasa panig ng Boston ang kasaysayan, kung saan 31 sa 36 teams na may 2-0 lead sa NBA Finals ang nagkampeon. Kaya ano kaya ang magiging approach ng Celtics sa Game 3 sa kanilang pagtatangkang mahila ang kanilang perfect road record sa playoffs sa 7-0?
“Trying to be the hungrier team,” wika ni Boston guard Jrue Holiday. “We’re going to go out there and try and execute a game plan.”
Napatunayan na ng Celtics ang pagiging mas malalim, mas talentadong koponan. Nagagawa ng Boston na magwagi sa kabila na nahihirapan sa offensive end tulad ng pagbuslo ng 10 of 39 (25.6 percent) lamang sa 3-point range sa Game 2.
Samantala, ang Mavs ay hindi maaaring umasa lamang kay Luka Doncic, na nagposte ng triple-double na may 32 points, 11 rebounds at 11 assists sa 105-98 loss sa Boston sa Game 2. Ipinamalas ni Doncic ang naturang performance makaraang ilista na kuwestiyonable para sa laro. Napag-alaman na nagtamo siya ng chest injury sa Game 1 na nadagdag sa matagal nang isyu sa kanyang kanang tuhod at kaliwang bukong-bukong.
Ipinaalam ni Doncic ang kanyang kalagayan noong Martes, at sinabing: “I feel good. I don’t want to get in any more details, but I feel good.”
Ang mas malaking katanungan para sa Mavs ay ang makahanap ng paraan para pumutok ang top running mate ni Doncic na si Kyrie Irving, matapos ang mabagal na simula.
Sa dalawang laro sa Boston, si Irving ay may average lamang na 14 points sa pinagsamang 13-for-37 shooting, kabilang ang 0-for-8 mula sa long range. Kung nais ng Dallas na makabalik sa serye, kailangan ni Irving na makahanap ng paraan upang makagawa ng mas malaking impact.
“They’re not going to stop pressing us, stop their pace, stop testing us on both ends of the floor,” sabi ni Irving. “We know what we’re in for. But now we have to raise it to an even higher level, and it starts with me.”
Siyempre ay mas madali itong sabihin kaysa gawin laban sa depensa ng Boston na “dynamic at versatile”.
Ang Celtics ay gumamit ng multiple defenders upang pabagalin ang backcourt ng Mavs kung saan pawang naging opsyon sina Holiday, Jaylen Brown, Derrick White at Jayson Tatum upang bantayan sina Doncic at Irving.
Sa opensa ay walang problema ang Celtics sa kabila ng dalawang off nights mula kay Tatum, isang five-time All-Star at first-team All-NBA selection para sa tatlong sunod na seasons.
Si Holiday ay nag-step up sa Game 2, kumana ng team-best 26 points. Sa Game 1 ay pinangunahan ni Brown ang koponan na may 22 points.
Sa injury front ng Boston, umaasa si center Kristaps Porzingis na makapaglalaro siya makaraang magtamo ng left leg injury sa Game 2. Sinabi ng Celtics na wala itong kinalaman sa dating right calf injury ni Porzingis.
Kapag pinayagan si Porzingis na maglaro sa Game 3, ito ang kanyang magiging unang appearance sa Dallas magmula nang i-trade ng Mavs noong February 2022.