CELTICS LIYAMADO SA MAVERICKS

HAHARAPIN ng Celtics team na desperadong makopo ang kampeonato si Luka Doncic at ang Dallas Mavericks squad na masigasig na maging spoiler sa isang intriguing NBA Finals matchup na magsisimula ngayong Biyernes sa Boston.

Sa pangunguna nina superstars Jayson Tatum at Jaylen Brown, ang sharpshooting Celtics ay magaan na umabante sa  finals.

Galing sa mas mahinang Eastern Conference bilang top seed, pinataob nila ang Jimmy Butler-less Miami Heat, dinispatsa ang Cleveland Cavaliers at winalis ang Indiana Pacers, na hindi nakasama si  point guard Tyrese Haliburton sa huling dalawang laro.

Ang Celtics ay nagwagi sa 12 sa kanilang 14 playoff games at walang talo sa road subalit batid nilang mababalewala ang mga ito kapag nabigo silang tuldukan ang title drought mula pa noong 2008.

Maliwanag ang misyon — ang maisabit ang mailap na ika-18 championship banner mula sa TD Garden rafters at isantabi ang postseason disappointment, kabilang ang pagkabigo sa Warriors sa 2022 finals at nang kapusin sa conference finals noong nakaraang taon.

“They were the best team in the regular season and they have been the best team in the playoffs,” sabi ni former player at current ESPN analyst JJ Redick.

“I feel strongly that they are the favorites going into this series. At the same time, I wouldn’t be surprised if Luka and Dallas and Kyrie (Irving) and (head coach Jason Kidd) made this a series and won… This is going to be a phenomenal series.”

Magiging hadlang sa Boston ang kumpiyansang Mavs team na may mas maliit na pressure at may kakayahan na sirain ang title aspirations ng Celtics.

Nagsisimula ito kay Doncic, ang 25-year-old Slovenian na mabilis na nagiging mukha ng liga.

Siya ang  best player sa playoffs at unang nanguna sa points (489), rebounds (164) at assists (150) papasok sa finals.

Nasa kanyang tabi si veteran point guard Irving na matapos ang magulong stints sa Brooklyn at Boston, ay mistulang mas komportable at kumpiyansa ngayon sa court.

“I think it’s fair to say that offensively they are as talented as any backcourt in NBA history,” pahayag ni Redick patungkol kina Doncic at Irving.

Ang isang malaking katanungan na nakabitin sa serye ay ang kalusugan ni Boston’s Kristaps Porzingis, ang dating  Maverick na nagtamo ng calf strain sa  Heat series at hindi na nakapaglaro magmula noon.

Umaasa ang Celtics na ang kanilang prized offseason acquisition, na may average na 20.1 points at 7.2 rebounds at 1.9 blocks sa regular season, ay magiging malusog na upang matapatan ang breakout big men ng Mavericks na sina Daniel Gafford at  Dereck Lively II.