CELTICS NAKAUNA SA MAVS

BUMALIK si Kristaps Porzingis mula sa  10-game absence upang magtala ng 20 points mula sa bench at tulungan ang  Boston Celtics na pataubin ang  Dallas Mavericks, 107-89, noong Huwebes ng gabi sa Game 1 ng NBA Finals.

Si Porzingis ay hindi naglaro magmula sa Game 4 ng first-round series ng Boston kontra Miami Heat dahil sa right calf strain. Gayunman ay hindi siya kinakitaan ng pangangalawang, bumuslo ng 8-for-13 mula sa field at kumolekta ng 6 rebounds at 3 blocks.

Makaraang maghabol ng hanggang 29 points sa huling bahagi ng first half, nakabalik ang Dallas sa laro, salamat sa third-quarter outburst na pinamunuan ni Luka Doncic.

Ang star guard ay kumamada ng 10 points sa 22-9 surge ng Mavericks sa pagsisimula  ng frame, kung saan tinapyas ng kanyang 3-pointer ang deficit ng Dallas sa 72-64, may 4:28 sa orasan.

Sumagot ang Celtics sa pagtala ng sumunod na 14 points upang kunin ang 22-point lead.

Tinapos ni Daniel Gafford ang third sa pares ng free throws upang makalapit ang  Dallas sa 20, subalit naghabol ang Mavericks ng hindi bababa sa 17 sa buong fourth.

Nakatakda ang Game 2 sa Linggo sa  Boston.

Nanguna si Jaylen Brown para sa Celtics na may 22 points at nagdagdag ng 6 boards, 3 steals at 3   blocks. Nag-ambag si Jayson Tatum ng 16 points at 11 rebounds, habang tumabo si Derrick White ng 15 points.

Nagbuhos si Doncic ng  30 points at 10 rebounds para sa Dallas, na na-outshoot, 47.6 percent sa 41.7 percent overall. Umiskor si P.J. Washington ng 14 points, gumawa si Jaden Hardy ng 13, at tumipa si Kyrie Irving ng 12 points.

Bagama’t  hindi naging starter si Porzingis, wala siyang sinayang na oras para pamunuan ang kanyang koponan makaraang ipasok, may 7:17 ang nalalabi sa  first quarter.

Pinahirapan ng  big man ang kanyang dating koponan, kumana ng 11 points at nagtala ng pares ng blocked shots sa period upang bigyan ang Celtics ng 37-20 bentahe pagkalipas ng  12 minuto ng aksiyon. Wala pang koponan ang nagtarak ng mas malaking kalamangan sa first quarter ng Game 1 sa kasaysayan ng Finals.