NAGSANIB-PUWERSA sina Marcus Smart at Enes Kanter sa pag-iskor ng Boston sa 15-5 burst sa pagsisimula ng fourth quarter nang igupo ng Celtics, sa ikalawang gabi ng back-to-back set, ang Utah Jazz, 114-103, sa Salt Lake City.
Nagbuhos si Jayson Tatum ng 33 points at game-high 11 rebounds upang pangunahan ang Celtics, na nanalo ng tatlo sa apat sa kanilang Western swing, kung saan natalo lamang sila ng dalawang puntos sa Los Angeles Lakers noong Linggo.
Kumamada si Donovan Mitchell ng game-high 37 points para sa Jazz, na nalasap ang ika-4 na sunod na kabiguan, pawang sa home.
CLIPPERS 102, SUNS 92
Umiskor si Kawhi Leonard ng 24 points at kumalawit ng 14 rebounds nang gapiin ng Los Angeles Clippers ang Phoenix Suns, 102-92, noong Miyerkoles ng gabi.
Naitala ng Clippers ang ikalawang sunod na panalo matapos ang three-game losing streak, kung saan nagdagdag si dating Suns forward Marcus Morris ng 18 points.
Nanatili ang Los Angeles sa third place sa Western Conference.
Nakakuha ang Suns ng 25 points at 17 rebounds kay center Deandre Ayton, at 18 points at 10 assists kay Ricky Rubio. Umiskor lamang si All-Star Devin Booker ng 14 points sa masamang 5-for-19 shooting night.
MAVERICKS 109, SPURS 103
Kumabig si Luka Doncic ng 26 points, 14 assists at 10 rebounds upang tulungan ang bisitang Dallas Mavericks na dispatsahin ang San Antonio Spurs.
Abante ang Mavericks ng 10 points sa half at ng 11 makalipas ang tatlong quarters bago humabol ang San Antonio sa final period. Tabla ang talaan sa 96 sa 3-pointer ni Lonnie Walker IV, may 4:01 ang nalalabi, bago nakakuha ang Dallas ng three-point play, 3-pointer kay Kristaps Porzingis at 3-pointer kay Seth Curry upang bumalik sa trangko, 105-96, at hindi na lumingon pa.
Nanguna si Kristaps Porzingis para sa Dallas na may 28 points at 12 rebounds. Nagdagdag si Tim Hardaway Jr. ng 17 points at gumawa si Dorian Finney-Smith ng 14 para sa Mavericks.
Nagbida si DeMar DeRozan sa San Antonio na may 27 points, habang nagdagdag sina Marco Belinelli ng 14 points, Walker IV ng 12 at Bryn Forbes ng 10 points.
Sa iba pang laro ay binomba ng Houston Rockets ang Memphis Grizzlies, 140-112; natakasan ng Washington Wizards ang Brooklyn Nets, 110-106; ginulantang ng Minnesota Timberwolves ang Miami Heat, 129-126; at ibinasura ng Charlotte Hornets ang New York Knicks, 107-101.
Comments are closed.