CELTICS SA EAST FINALS

NAGBUHOS si Al Horford ng 22 points at 15 rebounds at umabante ang host Boston Celtics sa Eastern Conference finals makaraang pataubin ang short-handed Cleveland Cavaliers, 113-98, sa  Game 5 ng kanilang semifinal series noong Miyerkoles ng gabi.

Nagwagi ang top-seeded Boston sa best-of-seven series, 4-1. Sumampa ang Celtics sa Eastern Conference finals sa ikatlong sunod na season at ika-6 na pagkakataon sa nakalipas na walong taon.

Nagdagdag si Jayson Tatum ng 25 points, 10 rebounds at 9 assists para sa Boston. Abante ang Celtics sa tatlong puntos lamang sa kaagahan ng fourth quarter subalit pinalobo ang kalamangan sa 14, 101-87, sa 3-pointer ni Tatum, may 6:45 sa orasan.

Naglaro ang Cleveland na wala sina star guard Donovan Mitchell (calf), center Jarrett Allen (rib) at  guard Caris LeVert (knee).

Dahil sa calf injury ay hindi rin nakalaro si Mitchell sa 109-102 loss ng Cleveland sa Game 4 noong Lunes ng gabi. Hindi naglaro si Allen sa serye, at galing si LeVert sa 19-point performance sa Game 4.

Humataw si Evan Mobley ng game-high 33 points at 7 rebounds para sa fourth-seeded Cavaliers. Naipasok niya ang 15 sa kanyang 24 field-goal attempts.

Nakakuha ang Cleveland ng season-high 25 points mula kay Marcus Morris Sr., na ibinuslo ang 5 sa 6 3-point attempts.

Tabla ang iskor sa 28-28 matapos ang isang quarter. Gumamit ang Cleveland ng 18-6 run upang kunin ang  46-40 lead sa second quarter, ngunit sumagot ang Boston ng 13-2 spurt na nagbigay sa Celtics ng 53-48 bentahe. Angat ang Boston sa 58-52 sa halftime.

Abante ang Celtics sa 69-57, may 8:41 ang nalalabi sa third quarter matapos tampukan ng 3-pointer ni Horford ang 11-0 run. Gayunman ay hindi sumuko ang Cleveland at lumapit sa pitong puntos, 85-78, sa pagtatapos ng tatlong quarters.

Ang Cleveland ay nabigong umiskor ng  100 points sa walo sa 12 playoff games nito.

Mavericks 104, Thunder 92

Tumapos si Luka Doncic na may 31 points at naitala ang kanyang ikalawang sunod na triple-double at lumapit ang Dallas Mavericks sa kanilang ikalawang Western Conference final sa tatlong  seasons sa panalo kontra host Oklahoma City Thunder sa Game 5 ng kanilang second-round series.

Nakalikom din si Doncic, na naglalaro na may multiple injuries sa playoffs, ng 10 rebounds at 11 assists at kinuha ng Dallas ang 3-2 series lead. Umiskor si Derrick Jones Jr. ng 19 points at nagdagdag si P.J. Washington ng 10 points at 10 rebounds sa panalo.

Nagdagdag si Dereck Lively II ng 11 points at 10 rebounds mula sa bench, habang gumawa si Kyrie Irving ng 12 points para sa Mavericks na babalik sa home para sa Game 6 sa Sabado.

Umiskor si Shai Gilgeous-Alexander ng 30 points at nag-ambag si Chet Holmgren ng 13 para sa top-seeded Thunder. Kumabig sina Jalen Williams at  Luguentz Dort ng tig-12 points para sa Oklahoma City, na hindi lumamang matapos ang first quarter.