CELTICS SILAT SA KNICKS

ISINALPAK ni RJ Barrett ang isang 3-pointer sa buzzer upang tampukan ang historic comeback ng host New York Knicks, na nalusutan ang 25-point deficit upang gulantangin ang Boston Celtics, 108-105, Huwebes ng gabi.

Sinindihan ni Evan Fournier ang paghahabol — ang pinakamalaki para sa Knicks buhat nang malusutan nila ang 26-point deficit upang gapiin ang Milwaukee Bucks noong March 14, 2004. Umiskor siya ng career-high 41 points, kabilang ang 21-footer na nagtabla sa laro sa unang pagkakataon sa  96-96, may 4:04 ang nalalabi, at ng 3-pointer na nagbigay sa New York ng una nitong bentahe, 99-98, may 2:07 sa orasan.

Tumapos si Julius Randle na may 22 points habang nagdagdag si Immanuel Quickley ng16 points mula sa bench para sa Knicks, na binasag ang pagtatabla sa Celtics para sa 10th place — at sa final play-in berth — sa Eastern Conference. Ang game-winner ni Barrett ay nagbigay sa kanya ng 13 points.

Naitala ni Jayson Tatum ang 13 sa huling 15 points ng Celtics at tumapos na may  36 points para sa bisita, na natamo ang heartbreaker sa ikalawang sunod na pagkakataon. Nagmintis si Jaylen Brown sa layup sa buzzer ng 99-97 loss sa San Antonio Spurs noong Miyerkoles.

SUNS 106,

CLIPPERS 89

Tumirada si Cameron Johnson ng career-best 24 points at kumalawit ng 7 rebounds at napantayan ni Jalen Smith ang kanyang career highs na 19 points at 14 rebounds upang tulungan ang Phoenix na gapiin ang bisitang  Los Angeles at maging unang NBA team na nakapagtala ng 30 panalo ngayong season.

Nag-ambag si Chris Paul ng 14 points, career-best 13 rebounds at 10 assists upang maitarak ang kanyang unang triple-double sa season para sa Suns, na ang 30-8 start ay second-best sa franchise history (31-7 sila noong 2004-05).

Umiskor si Marcus Morris Sr. ng season-high 26 points at kumalawit ng 8 rebounds para sa Clippers, na natalo sa ika-8 pagkakataon sa kanilang huling 11 games. Tumipa si Reggie Jackson ng 16 points at nagdagdag sina Eric Bledsoe at Brandon Boston Jr. ng tig-10 para sa Los Angeles.

PELICANS 101,

WARRIORS 96

Nagbuhos si Brandon Ingram ng game-high 32 points nang dispatsahin ng host New Orleans ang short-handed Golden State.

Nagdagdag si Josh Hart ng 14 points, umiskor si Herb Jones ng 13 at gumawa si Gary Clark ng 10 mula sa bench para sa Pelicans na pinutol ang three-game losing streak kung saan pinayagan nila ang average na 124.7 points.

Kumubra si Andrew Wiggins ng 21 points para sa Warriors, na naglaro na wala sina Steph Curry (quad contusion) at Draymond Green (sore hip).

GRIZZLIES 118,

PISTONS 88

Nakakolekta si Ja Morant ng 22 points, 9 rebounds at 6 assists at hinila ng host Memphis ang kanilang winning streak sa pitong laro nang madominahan ang Detroit, na natalo ng  20 sa kanilang huling  23 games.

Nagdagdag si Dillon Brooks ng 18 points, 5 assists at 3 steals para sa Grizzlies. Nagtala sina Tyus Jones at Ziaire Williams ng tig-14 points, habang tumipa sina Jaren Jackson Jr. at Brandon Clarke ng tig-11.

Nanguna si Saben Lee para sa Pistons na may 14 points mula sa bench. Gumawa si Cade Cunningham ng 12 points subalit bumuslo lamang ng  5-for-19 mula sa field. Kumubra rin si Hamidou Diallo ng 12 points at humugot ng 6 rebounds, habang nag-ambag si Trey Lyles ng 10 points at 6 rebounds.