CELTICS SINIBAK NG NETS

nets vs celtics

NAKALIKOM si James Harden ng 34 points, 10 assists at 10 rebounds upang tulungan ang Brooklyn Nets na tapusin ang kanilang Eastern Conference first-round series sa pamamagitan ng 123-109 panalo kontra Boston Celtics noong Martes ng gabi sa New York.

Nagwagi ang second-seeded Nets sa series, 4-1, at umabante sa conference semifinals sa unang pagkakataon magmula noong 2014. Makakaharap ng Brooklyn ang third-seeded Milwaukee Bucks sa second round.

Naipasok ni Harden ang 10 sa 17 shots at naiposte ang kanyang ika-4 na career postseason triple-double at ika-11 ng isang Net. Ang ika-10 ay si Hall of Famer Jason Kidd.

Naitala rin ni Harden ang unang 30-point triple-double sa kasaysayan ng Nets at sinamahan si Dallas guard Luka Doncic bilang ikalawang player na nakakuha ng 30-point triple-double sa postseason ngayong taon.

Nagdagdag si Kyrie Irving ng 25 points sa 9-of-14 shooting para sa Nets na bumuslo ng 51.2 percent at naipasok ang 15 sa 32 3-point tries. Naging mabagal ang simula ni Kevin Durant at tumapos na may 24 points sa 8-of-16 shooting.

Nanguna si Jayson Tatum, umiskor ng 90 points sa dalawang laro sa Boston, para sa Celtics na may 32 points. Isinalpak ni Tatum ang 12 sa 27 attempts sa  field at bumuslo ang Celtics ng 43.5 percent at nagpasok ng 11 lamang mula sa 40 3-point tries.

SUNS 115,

LAKERS 85

Kumana si Devin Booker ng 30 points, 7 rebounds at 5 assists upang tulungan ang host Phoenix Suns na durugin ang Los Angeles Lakers, 115-85, at kunin ang 3-2 lead sa Western Conference first-round series.

Nagdagdag si Cameron Payne ng 16 points mula sa bench at umabante ang Suns ng hanggang 36 points habang naitala ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa seven-game series.

Tumipa si LeBron James ng 24 points, 7 assists at 5 rebounds para sa Lakers, na naglaro na wala si Anthony Davis (groin).

Nakatakda ang Game 6 sa Huwebes ng gabi sa Los Angeles.

Na-reinjure ni Chris Paul ng Suns ang kanyang kanang balikat habang nakikipag-agawan sa rebound, may 6:47 ang nalalabi sa third quarter at hindi na bumalik pa.

Gumawa si Paul ng 9 points, 6 assists at 4 rebounds sa 23 minutong paglalaro sa gabing nagtala ang Phoenix ng 29 assists at gumawa ng apat na turnovers lamang laban sa 16 ng Los Angeles.

Kumamada si Mikal Bridges ng 13 points para sa Phoenix, na bumuslo ng 45.7 percent mula sa  field at naisalpak ang 14 sa 42 attempts mula sa 3-point range.

Nagdagdag si Kyle Kuzma ng 15 points para sa Lakers, na naipasok  ang 34.5 percent ng kanilang tira, kabilang ang 12 of 35 mula sa 3-point range.

NUGGETS 147,

 BLAZERS 140

Nagbuhos si Nikola Jokic ng 38 points, 11 rebounds at 9 assists, at nalusutan ng host Denver Nuggets ang playoff-record 12 3-pointers mula kay Damian Lillard upang pataubin ang Portland Trail Blazers, 147-140, sa double overtime sa Game 5.

Tumapos si Lillard na may  55 points at 10 assists at dalawang beses na inihatid ang laro sa extra periods. Ito ang unang 55-point, 10-assist game sa NBA playoff history.

Umiskor si Monte Morris ng 28 points, at nag-ambag sina Michael Porter Jr. ng 26 points at 12 rebounds, Austin Rivers ng 18 points at 7 assists at Aaron Gordon ng 14 points at 10 rebounds para sa Denver, na kinuha ang 3-2 lead sa first-round series.

Nagposte si Robert Covington ng 19 points at 11 rebounds, umiskor si CJ McCollum ng 18, tumapos si Jusuf Nurkic na may 13 points at 11 rebounds bago na-foul out at gumawa rin si Norman Powell ng 13 points para sa Trail Blazers.

Ang Game 6 ay nakatakda sa Huwebes ng gabi sa Portland.

4 thoughts on “CELTICS SINIBAK NG NETS”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *