CELTICS TINAPOS NA ANG HAWKS(Sixers susunod na makakasagupa)

Celtics vs Hawks

NAGBUHOS si Jaylen Brown ng 32 points at nagdagdag si Jayson Tatum ng 30 upang pangunahan ang 128-120 panalo ng bisitang Boston Celtics laban sa Atlanta Hawks, na tumapos sa kanilang Eastern Conference first-round playoff series sa Game 6 nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Makakasagupa ng second-seeded Celtics ang third-seeded Philadelphia 76ers sa second round ng playoffs, kung saan nakatakda ang Game 1 sa Lunes sa Boston.

Naghabol ang Boston sa 113-110, may 6:24 ang nalalabi makaraan ang dunk ni Clint Capela. Gayunman ay bumanat ang Celtics ng 11 sunod na puntos upang umangat sa 121-113 sa magkakasunod na three-pointers nina Brown, Al Horford, at Tatum at pagkatapos ay ang dunk mula kay Tatum, may 2:07 ang nalalabi.

Bumuslo si Brown ng 13-for-25 mula sa field, isinalpak ang 6-of-8 three-point attempts at kumalawit ng 5 rebounds.

Nagtala si Tatum ng 11-for-20 na may apat na three-pointers, 14 rebounds, at 7 assists.

Nagdagdag si Marcus Smart ng 22 points, at tumapos si Horford, dating Hawk, na may 10 points at 12 rebounds.

Nagsalpak ang Celtics ng 18 three-pointers at kumana ng 16-for-17 mula sa line.

Ang Atlanta ay pinangunahan ni Trae Young na may 30 points, ang kanyang ika-4 na sunod na laro na may 30-plus points. Tumapos si Young na 9-for-28 lamang mula sa floor at 4-for-12 sa three-point tries. Nagdagdag siya ng 10 assists.

Umiskor si De’Andre Hunter ng 20 points at gumawa si Dejounte Murray ng 14 – pawang sa second half — at nagbigay ng 10 assists sa kanyang pagbabalik mula sa suspensiyon sa Game 5.

Kinuha ng Celtics ang maagang 10-point lead subalit lumamang lamang sa 35-34 matapos ang isang quarter. Pinanatili ni Young ang Hawks na nakalutang na may 18 points sa opening period.

Umabante ang Hawks ng hanggang pitong puntos sa second quarter, subalit bumanat ang Boston ng 15-7 run at umabante sa 68-67 sa half. Nagtala si Young ng 25 before bago ang break habang umiskor si Brown ng 19.

Ang third quarter ay tinampukan ng siyam na lead changes at anim na pagtatabla, kung saan sumandal ang Hawks sa late basket ni Onyeka Okongwu upang kunin ang 100-98 kalamangan papasok sa fourth quarter.

Ang Celtics, na nagwagi sa parehong regular season games sa Atlanta, ay nagwagi ng dalawa sa tatlong playoff games sa Atlanta.