CENTENNIAL HOUSE, 4 PA NATUPOK NG APOY

LAGUNA- NAABO ang limang bahay sa magkahiwalay na sunog na naganap sa Lungsod ng San Pablo at Luisiana nitong Miyerkules ng umaga.

Sa report ng Luisiana Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, isang centennial house ang mabilis na tinupok ng apoy na nagsimula sa ikalawang palapag na gawa sa matitibay na uri ng kahoy.

Sa pahayag ng apo ng pamilya Tolentino na siyang may- ari ng antique na bahay, nagsimula umanong magkaroon ng makapal na usok sa kisame kasunod ng malaking apoy na gumapang hanggang sa unang palapag kung saan nakatambak ang sako- sakong kaban ng palay at mga kasangkapan na gawa sa light materials.

Mabilis naman nailigtas mula sa nasusunog na bahay ang isang 85-anyos na senior citizen.

Samantala, apat na bahay naman sa Barangay Santa Filomena, San Pablo City ang nilamon ng apoy sa tatlong oras na sunog na nakaapekto sa walong pamilya at tumupok sa mahigit dalawang daan libong pisong halaga ng ari- arian.

Sa pahayag ng San Pablo city information office, nagsimula ang apoy ng alas-12 ng tanghali at mabilis na kumalat sa magkakalapit na bahay.

Ayon sa mga opisyal ng Barangay Santa Filomena, gawa sa light materials ang mga bahay at ang masikip na eskinita sa lugar ang naging sanhi kung bakit lumaki ang apoy at nadamay pa ang ilang kalapit bahay.

Mabilis naman nakaresponde ang mga bumbero na nagmula pa sa mga kalapit bayan ng San Pablo.
ARMAN CAMBE