DINISPATSA ni Chezka Centeno si Chantal Stadler ng Germany, 7-2, upang lumapit sa knockout rounds ng Predator World Women’s 10-Ball Championship sa Klagenfurt, Austria.
Napanatili ni Centeno ang kanyang porma sa winners’ bracket at susunod na makakaharap ng Asian champion si Chihiro Kawahara ng Japan para sa isang puwesto sa last 16.
Sinimulan ni Centeno ang torneo sa 7-0 pagbasura kay Elise Qui ng Netherlands.
Samantala, napunta si Rubilen Amit sa losers’ bracket matapos ang 7-5 pagkatalo kay Ina Kaplan ng Germany.
Isa pang talo ay masisibak na sa torneo ang Hanoi Southeast Asian Games double-gold winner.
Nakipagtambalan si Amit kay Carlo Biado sa 3-1 win kontra Switzerland’s Claudia Von Rohr at Ronald Regli sa world team event.
Na-split ni Amit ang kanyang dalawang laro kung saan natalo si Von Rohr sa first, 4-2, bago rumesbak sa second, 4-2, habang winalis ni Biado si Regli sa pares ng 4-0 victories upang selyuhan ang panalo.
CLYDE MARIANO