HINDI maawat si Chezka Centeno at dinispatsa si Japanese bet Chihiro Kawahara, 7-4, upang umabante sa quarterfinals sa Predator World Women’s 10-Ball Championship noong Huwebes sa Klagenfurt, Austria.
Hinihintay na lamang ng reigning Asian 9-ball Open champion ang kanyang makakatunggali na bubunutin sa mga magwawagi sa loser’s qualification para sa last 16 upang manatili sa kontensiyon para sa lion’s share na $148,000 (P8.4 million) prize pool.
Si Centeno ang nalalabing Filipino pool master sa torneo makaraang masibak si Southeast Asian Games double-gold winner Rubilen Amit kasunod ng 7-3 pagkatalo kay Polish player Monika Zabek.
Samantala, naging matatag ang Team Philippines upang gapiin ang Great Britain sa isang shootout at umabante sa quarterfinals ng World’s team event.
Naging maganda ang simula ng mga Pinoy kung saan naitala nina Amit at Carlo Biado ang 4-2 panalo kontra Kelly Fisher at Jayson Shaw, ayon sa pagkakasunod.
Gayunman ay bumawi ang British at pinataob ng tambalan nina Fisher at Darren Appleton sina Amit at Johann Chua, 4-2, bago naitarak ni Shaw ang 4-2 reversal kay Biado upang maitabla ang talaan at maipuwersa ang shootout na sa huli ay napanalunan ng mga Pinoy, 3-1.