INANGKIN ni Filipino cue artist Chezka Centeno ang women’s world 10-ball title makaraang pataubin si Han Yu ng China sa Klagenfurt, Austria noong Linggo.
Tinalo ni Centeno si Yu sa iskor na 9-5 at naibulsa ang $50,000 (mahigit P2.8 million) top prize.
“This is truly a dream come true moment for me,” pahayag ni Centeno sa isang post sa Instagram. “This win is not just mine; it’s all of ours.”
Bago tinalo si Yu sa winner-take-all finals ay nanalo si Centeno sa lahat ng kanyang limang laban, kasama ang 9-8 panalo kay Allison Fisher ng Great Britain sa semifinals.
Nanaig din si Centeno kina China’s Pan Xiaoting, 9-0, sa opening match; Melanne Sussenguth ng Germany sa round of 16 at reigning champion Chou Chieh Yu ng Chinese Taipei, 9-2, sa quarterfinals
Si Centeno ay ikalawang Pinay na nagwagi ng women’s world 10-ball crown matapos ni two-time winner Rubilen Amit.
Isa rin siyang four-time Southeast Asian Games gold medalist.
Ang paglahok ni Centeno ay sinuportahan ng Billiards and Snooker Congress of the Philippine, Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.
CLYDE MARIANO