DAHIL sa kapangyarihan hawak ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos ay muling nakapuwesto bilang Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff ang dapat ay paretiro nang si General Andres Centino.
Kahapon ay pormal na nanungkulan si Centino kasunod ng isinagawang simpleng turn over ceremony na pinangunahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa loob lang ng AFP Officers Club sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Una nang umugong na inaabangan na lamang ang opisyal na pagreretiro ni Centino ngayong buwan ng Pebrero at inalok na rin siya ng ambassadorial post sa India.
Kasabay nito, nanawagan ng pagkakaisa sa hanay ng militar ang ibinalik na AFP chief of staff na inihayag nito sa turnover ceremony na dinaluhan din ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo.
Tiniyak naman ni Bacarro na susuportahan ng buong AFP ang ibinalik na chief of staff.
“It is my fervent wish that I can repay in whatever way I can all the support you have given me. I have felt the outpouring of support coming from well-wishers as I retire today,” pagpapaalam naman ni Bacarro.
Ayon kay Centino, kailangan ng militar ng mga matatag at determinadong pinuno para pangunahan ang patuloy na modernisasyon at pagiging mas propesyonal ng AFP.
Dagdag nito, hindi dapat pagmulan ng pagkakawatak-watak o iringan ang pagbibigay kahulugan sa mga probisyon ng Republic Act 11709 na nagtatalaga ng termino para sa mga matataas na opisyal ng militar.
Sa halip, aniya, dapat tutukan ng AFP ang iba pa nitong mas mahalagang mandato gaya ng pagbabantay sa seguridad ng Pilipinas at pagtugon sa mga kalamidad.
“As I take on the responsibility as Chief of Staff, I reiterate what I have focused on in the past to comply with the urgent tasks at hand. While significant gains have been achieved in our security campaigns, there remain critical tasks to be carried out that need to be fully complied. We must ensure that all our resources are employed to definitively address all the current and emerging threats,”ani Centino.
Nanungkulan si Centino bilang AFP Chief of Staff mula Nobyembre 2021 hanggang Agosto 2022.
Sa ilalim ng batas na pinasa noong 2022, magsisilbi siya ng 3 taon kahit umabot pa ito sa mandatory retirement age na 56 sa susunod na buwan. VERLIN RUIZ