Binuksan sa publiko ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 ang centralized terminal para sa mga metered taxi upang maging madali para sa mga bumibiyahe na makasakay pauwi sa kanilang patutunguhan.
Ayon sa NNIC, ang terminal na ito ay matatagpuan sa multi-level parking building sa Terminal 3 at may sukat na 6,000 sqm kung saan magkakasya ang 401 mga sasakyan.
Sinabi ni NNIC General Manager Lito Alvarez, ito ay dinesenyo upang mabawasan ang congestion ng mga sasakyan sa arrival area dahil commitment nila na gawing maayos at stress-free ang biyahe ng mga pasahero.
Dagdag pa nito itinayo ang centralized terminal bilang pagsuporta sa mga driver na naghahanapbuhay sa mga airport at maging sa mga pasahero upang masiguro, mabilis at mas episyente ang kanilang serbisyo ngayong holiday season.
Ang centralized hub na ito, ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng NNIC na gawing moderno ang paliparan at matugunan ang matagal nang isyu rito tulad ng overcapacity at outdated infrastructure.
FROILAN MORALLOS