NAGLABAS ang Commission on Elections (Comelec) ng Certificate of Finality kaugnay sa pagkansela ng Certificate of Candidacy (COC) ng dating alkalde ng Mandaue City na si Jonas Cortes.
Sa isang dokumentong inilabas noong Enero 3, 2025, ipinahayag ng Comelec na naging pinal ang desisyon matapos ibasura ang motion for reconsideration ng kampo ni Cortes.
Pinanigan ng Comelec en banc ang naunang desisyon ng Comelec Second Division hinggil sa pagkansela ng kanyang COC.
Ayon sa poll body, lumipas na ang limang araw mula nang mailabas ang resolusyon noong Disyembre 27, 2024 at sa kawalan ng restraining order mula sa korte, ang desisyon ay nagiging pinal at maipapatupad.
Gayunpaman, inihayag ng kampo ni Cortes ang kanilang kumpiyansa na makakatakbo pa rin ang dating alkalde sa May 2025 midterm elections.
Nauna nang naghain ang kanyang legal team ng petition for certiorari sa Korte Suprema kabilang ang hiling para sa isang injunction, status quo ante order at pagpapawalang-bisa sa naunang desisyon ng Comelec.
Binatikos din ng kanyang mga abogado ang timing ng pagpapalabas ng desisyon sa huling araw ng trabaho ng nakalipas na taon na umano’y nagbigay ng hamon sa kanila upang makahiling ng temporary restraining order.
RUBEN FUENTES