CESSNA PLANE BUMAGSAK: PILOTO, CO-PILOT SUGATAN

DAVAO ORIENTAL-KAPWA sugatan ang isang piloto at co-pilot makaraang bumagsak ang kanilang sinasakyang eroplano sa bayan ng Mati sa lalawigang ito kamakalawa.

Sa ipinalabas na impormasyon ng Civil Aviation Association of the Philippines (CAAP), ang eroplano na Cessna-150 light aircraft na nasangkot sa aksidente ay pag-aari ng Mactan Aviation Tech Center, Inc.

Sakay ng nasabing eroplano ang dalawang pasahero na kinabibilangan ng piloto na si Capt. Manuel Nierra II, flight instructor at ang student pilot na si Jeremiah Agonia.

Agad naisugod sa Mati Provincial Hospital ang mga biktima para malapatan ng tinamong minor injuries.

Sa imbestigasyon, lumipad ang eroplano na may registry number RP-C 9005 sa Mati Airport dakong alas-7:30 ng umaga nitong Lunes pero may kinaharap na problemang teknikal dahilan para bumagsak ito isang kilometro mula sa runway na sakop ng Barangay San Martin.

Patuloy pa na sinisiyasat ng mga awtoridad ang insidente. JEFF GALLOS