MULING pinagpatuloy ang search and rescue operation nang pinagsanib na puwersa ng Municipal Disaster Risk Reduction & Management Office (MDRRMO), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Energy Development Corporation para sa nawawalang Cessna plane.
Pansamantalang itinigil nitong nakalipas na magdamag ang operasyon dahil madilim na sa lugar at masamang panahon bunsod ng malakas na pag-ulan sa Camalig, Albay.
Isa pang dahilan ay nasa loob ng danger zone ang lugar at malapit na sa tuktok ng bulkang Mayon.
Ang rescue team ay may mga dalang drones, thermal camera at rescue dogs upang mas lalong mapabilis na matukoy ang lokasyon ng nawawalang eroplano.
Sa pahayag naman ni Camalig Mayor Caloy Baldo, pansamantalang inakupahan ng search and rescue team ng Camalig bilang command post ng forest ranger sa lugar.
Sa command post, naka-deploy ang mga responder na binubuo ng mga tauhan ng Municipal Health Office ng Camalig, Civil Aviation Authority of the Philippines, LGU-Guinobatan, Philippine Army, at Provincial Government ng Albay.
Pinaalalahanan naman ni Mayor Baldo, ang naturang team na mag-doble ingat ang mga aakyat sa naturang lugar sa dahilang ito ay matarik, malamig at maulan at tanging dapat umakyat dito ay yung may alam sa hiking.
Halos 23 na oras na ang nakakalipas mula nang mawalan ng kontak ang Cessna plane nang lumipad ito, mula Bicol International Airport, patungong Maynila.
Base sa report ang lulan ng nawawalang Cessna plane ay nakilalang sina Capt. Rufino James Crisostomo Jr. piloto, Mechanic Joel Martin at dalawang pasahero na sina Simon Chipperfield at Karthi Santanan, pawang Australian national.
Sa kabilang dako, sinabi ng CAAP na nakikipag-unayan na ang mga ito sa ibang concerned agencies tulad ng lokal na pamahaalaan ng Camalig, Philippine Air Force Philippine Coast Guard, Office of Civil Defense maging ang NDRRMC para sa agarang search and rescue operation sa naturang eroplano.
Samantala, nakatakda namang tumungo ang opisyal ng Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) ng CAAP upang tumulong sa naturang insidente. EVELYN GARCIA