KINUMPIRMA na ng mga awtoridad na patay na lahat ang sakay ng nawawalang Cessna 340 plane matapos na marating ng search and rescue team ang crash site malapit sa bunganga ng Bulkang Mayon.
“Hindi na po search and rescue. Retrieval na po ang operation ngayon kasi napuntahan na kahapon yung mga sakay ng eroplano. Wala na po talagang buhay. Nandun po yung apat na pasahero natin,” pahayag ni Camalig Mayor Carlos Irwin Baldo.
Kasunod nito ang kumpirmasyon at opisyal na pagkilala ng Energy Development Corporation sa dalawa nilang piloto at dalawang consultants na nasawi sa nasabing plane crash sa loob ng Mayon Volcano declared permanent danger zone.
Kinilala ang mga biktima na sina Captain Rufino James Crisostomo Jr., Joel G. Martin, Simon Chipperfield, at Karthi Santhanam.
“Challenge pa sa atin kung paano ibababa ang mga pasahero ng eroplano,” anang alkalde dahil lubha rin nahirapan ang rescuers na marating ang plane crash site sa bahagi ng Mayon Volcano na may taas na 3,500 to 4,000 feet above sea level sa kanlurang bahagi ng dalisdis ng bulkan.
Narating na rin umano ng mga imbestigador ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang area sa pamamagitan ng Philippine Air Force (PAF) Black Hawk helicopter.
Kinumpirma ni CAAP spokesperson Eric Apolonio, ang nakitang Mayon wreckage ay ang nawawalang Cessna plane matapos na makilala ang mga marking mula sa eroplano gamit ang infrared camera.
Ipinagtataka umano ng mga imbestigador kung bakit napadpad ang eroplano sa bahagi ng dalisdis ng Mt Mayon gayong itinuturing nilang no-fly zone ang mga bulkan. VERLIN RUIZ