MAY unsolicited advice si Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) administrator and chief operating officer Katrina Ponce Enrile kay Vice President Sara Duterte: gamitin mo ang sarili mong pera sa paglalathala ng libro mo sa “pagkakaibigan”.
Sa August 22, 2024 episode ng “Leslie Bocobo Live” na umere sa Radyo ng Pilipinas mula ala-1 hanggang alas-2 ng hapon, sinabi ni Enrile na: “Istorya niya po iyon. Bakit hindi niya gamitin ang pera niya (para sa libro)?”
Sa panayam, sinabi ni Enrile na ang request para sa public funds sa ilalim ng General Appropriation Act ay kailangang sumailalim sa pagsusuri at nararapat na deliberation. “Kahit allotted ang pera sa inyo kailangang sundan ang proseso.”
Pinayuhan din ni Enrile ang bise presidente na maging halimbawa sa lahat ng Pilipino.
“As gov’t officials dapat ay maging ehemplo tayo sa mga tao. Sinasabi nilang humble sila. Pero pag lumalabas ang ganitong asal, maiisip ng mga tao na totoo bang humble sila? O nagkukunwari lang silang humble?” aniya.
Dinepensahan ang karapatan ng isang senador na suriin ang kahilingan ng isang tanggapan ng pamahalaan para sa budget, sinabi ni Enrile na “prerogative ng isang senador na magtanong lalo na kapag may kinalaman dito ang pera ng taumbayan.”
“Pera ng bayan, pera ng mga tao … bakit hindi puedeng kwestiyunin?” ani Enrile.
Noong Aug. 20 ay nagkainitan sina Vice President Sara at Sen. Risa Hontiveros, na nag-udyok sa senadora na paalalahanan ang bise presidente na “not everything’s about you.”
Sinagot ng halatang iritableng bise presidente ang sunod-sunod na katanungan mula kay Sen. Hontiveros sa Senate budget deliberation para sa 2025 budget request ng Office of the Vice President.
Partikular na kinuwestiyon ng senadora ang bise presidente sa nature ng children’s book na may panukalang budget na P 10 million na nakalista sa budget request ng Office of the Vice President.
Sa halip na magpaliwanag, inakusahan ng bise presidente ang senadora ng pamumulitika sa budget hearing.
“Madam Chair, this is an example of politicizing the budget hearing through the questions of a senator. Ang problema niya kasi, nakalagay ‘yung pangalan ko doon sa libro. At ‘yung libro na ‘yan, ibibigay namin doon sa mga bata na may mga magulang na boboto,” pahayag ng bise presidente.