CHA-CHA AT TOURISM SECTOR

TUMATAKBO  pa rin pala ang panukalang Charter change o Cha-Cha.

May mga nagsabi na malabo itong makalusot.

Ngunit sa Kongreso, nangangamoy pa rin ito at waring lumakas pa ang pagsulong nito.

Napag-iwanan na raw kasi ng panahon ang ating Saligang Batas.

Nabunyag naman na nagkaroon daw ng pulong sa pagitan ng mga mambabatas at senador mula sa partidong Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-LABAN) tungkol sa usapin.

Sabi nga ni Leyte Rep. Richard Gomez, kasama raw sa kanilang napag-usapan ay ang paraan ng pag-amyenda sa antigong Konstitusyon, kung ano-anong babaguhin, at paano ang paraan ng botohan.

Mas gusto raw ng mayorya ng partido ang constituent assembly (ConAss) kaysa sa Constitutional Convention (ConCon) na itinutulak ng Kamara.

Economic provisions lang daw ang dapat baguhin at dapat hiwalay ang botohan ng upper at lower houses.

Kung hindi ako nagkakamali, bukod kay Gomez, kasama rin sa meeting si Sen. Robinhood Padilla, chair ng Committee on Amendments and Revision of Codes ng Senado.

Sa kabila ng nangyaring pulong, wala pa ring opisyal na posisyon ang PDP-LABAN hinggil sa isyu.

Nawa’y sa pagtitimbang ukol sa Con-Ass o ConCon, iwaksi muna ang pulitika at pansariling interes.

Isipin na lang ang kapakanan ng napag-iiwanan nating bayan.

Samantala, tuloy-tuloy ang mas pinalakas na tourism campaign ng Department of Tourism (DOT).

Katunayan, aba’y nakipagpulong daw pala ang DOT sa iba’t ibang tour guide associations sa bansa para talakayin ang mga makabagong programa para sa kanilang sektor.

Layon daw ng pagpupulong na iparating sa sektor ng turismo ang mga makabagong polisiya at mga programa na magpapaunlad dito.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, isusulong ang mga bagong training at seminar mula sa ibang bansa, kabilang na rito ang pag-aaral ng iba’t ibang lenggwaheng banyaga.

Sa ganitong paraan daw ay mas maiintindihan ng iba pang bansa ang mayamang kultura ng Pilipinas.

Sinasabing natalakay rin ang standardization ng tour guide rates, pagkakaroon ng insurance at iba pang benepisyo para sa mga tourism worker, gayundin ang Magna Carta for Tourism Workers.

Mabuhay po kayo at God bless!