CHA-CHA HINDI PRAYORIDAD SA SENADO

IGINIIT  ni Senador Win Gatchalian na hindi prayoridad ng Senado ang Charter Change, lalo na ang political amendments.

Sinabi ni Gatchalian na hindi kumbinsido ang ilang senador sa pangangailangan para sa Cha-cha, lalo na sa mga pagbabago sa pulitika, na “para sa pansariling interes.”

“Sa aking pulso mukhang malabo [pumasa sa Senado], hindi kumbinsido ang ating mga kasamahan na mag Cha-cha. Hindi iyon prayoridad ngayon dahil maraming ginagawa lalo na yung political amendments dahil yung political amendments pansariling interes yan, habaan yung termino tanggalin, yung term limits hindi pang taumbayan para sa pulitiko lang yan,” ayon kay Gatchalian.

Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang Resolution of Both Houses (RBH) 6, na nananawagan ng constitutional convention (con-con) para amyendahan ang 1987 Constitution.

Pinayuhan ni Gatchalian ang mga mambabatas na tanungin ang mga eksperto kung ang Cha-cha ay kapaki-pakinabang para sa bansa.

“Ako kahit nag-file nung economic provisions gusto ko pa rin pakinggan ang mga eksperto kung itong ating panukala eh makakatulong sa bansa o hindi. Sa aking pananaw makakatulong pero pakinggan din natin yung mga iba pang eksperto,” ani Gatchalian.
LIZA SORIANO