NILINAW ni Senate Minority Leader Koko Pimentel III na wala sa desisyon ng Pangulo ang pag-amyenda ng Saligang Batas, sinasabing nasa kapangyarihan ito ng lehislatibo.
“Sa amending or changing the Constitution, ang desisyon na iyan–wala sa kamay ng Executive branch. Nasa legislators iyan as representatives of the people…We will not consider the stand of the President or the executive branch,” ani Pimentel.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang pag-amyenda sa Saligang Batas ay hindi kabilang sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon dahil sa kanyang pangangatwiran na marami pang bagay na kailangan munang gawin.
Nanawagan din ang senador kay Senate President Miguel Zubiri na huwag pahintulutan ang opinyon ni Marcos sa Charter change na makaapekto sa pagsusulong ng mataas na kapulungan para sa mga pagbabago sa Konstitusyon, at binanggit na walang papel ang Pangulo sa proseso.
“Dapat kami-kami na lang ang nag-de-decide noon. Huwag na namin i-link sa position ng Presidente, because this is not a mere law,” ani Pimentel.
Noong Lunes ang House of Representatives ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa nito ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6, na nananawagan para sa isang “hybrid” constitutional convention upang amyendahan o rebisahin ang Charter.
Liza Soriano