CHAIRMAN CUA NAIS MAGKAROON NG PCSO BRANCH SA BAWAT PROBINSYA

BILANG tugon sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., prayoridad at pinagtutuunan ng ibayong pansin ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Junie E. Cua ang pagpapagawa ng branch o sangay ng government charity institution sa bawat 82 na probinsiya sa bansa.

“Maganda po kung magkaroon ng branch sa 82 lalawigan ng bansa, alinsunod sa marching order ni Pres. Ferdinand Marcos, Jr. na palawakin pa ang coverage ng mga pinaglilingkuran ng PCSO,” ang pahayag pa ni Chairman Cua.

“Kaunting push na lang at magiging realidad na ang 82 PCSO branch offices. Hopefully, with eight months more to go this year, we can do something to close that gap,” buong pagtitiwalang sabi rin niya.

Sa kasalukuyan, ang PCSO ay mayroong kabuuang 72 branch offices at determinado si Cua na mas marami pang tanggapan ng kanilang ahensiya ang mabubuksan ngayong taon.

Kapag nangyari ito, sinabi ni Cua na ang mga Pilipino na nagnanais na makakuha ng medical assistance o anumang tulong mula sa PCSO ay hindi na kinakailangan pang bumiyahe ng malayo, dahil sa kanilang lalawigan lamang ay mayroon ng sangay ang ahensiya na maaari nilang puntahan.

Ayon pa sa PCSO Chairman, bago ang pagkakaroon ng pandemiya ay nilalayon na nilang makapagbukas ng branch offices sa maraming lugar sa bansa.

Samantala, binanggit din ni Cua na kasama sa nakalinya nilang mga programa ang ‘digitalization’ ng kanilang operasyon upang mas lalong maging madali at kombinyente sa publiko ang pagkuha at mapakinabangan ang iba’t-ibang serbisyo ng PCSO.