GINAGARANTIYAHAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na sususpendihin ang mga mayor kasama ang kanilang mga barangay chairmen na mabibigong linisin ang kanilang mga nasasakupan ng mga illegal vendors at naghambalang na mga illegal parkings.
Babala ng DILG, sinumang LGUs na mabibigo na linisin ang kanilang mga kalsada mula sa mga nakahambalang na sasakyan, mga basura ay papatawan ng suspensiyon oras na matapos ang 60 days deadline ngayong buwan.
Tinaningan ni DILG Secretary Eduardo Año, ang mga local government ng hanggang Setyembre 27 at pinagsusumite ng kani-kanilang reports hinggil sa ginawang clearing operation kasama rito ang ‘before and after photos’.
Ito ay bilang pagtupad sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bawiin ang mga kalsada at mga bangketa at ibalik ito sa mamamayan, ani Interior Undersecretary Epimaco Densing III.
“Nagsalita na po si Secretary [Eduardo] Año, definitely no extension doon sa 60 days. More than enough po iyon,” ani Densing.
“In 30 days actually kaya ‘yang linisin ng barangay, kung isu-supervise lang ng mayor. Kung hindi nagmando ang mayor, hindi rin gumalaw ang barangay, talagang tatamad-tamad sila, dapat silang masuspinde,” pahayag pa ni Densing.
Nilinaw pang muli ng DILG, na kayang kaya ang projects kaya umano itong tapusin sa loob ng isang buwan kung pangangasiwaan ng mga LGU ang kanilang mga barangay chairman.
Sa Metro Manila ay nangunguna sa clean up drive at pag-reclaim ng mga bangketa at lansangan na ginagawang negosyo ng mga tiwaling tauhan ang city government ng Maynila.
Nabatid na sampung araw lamang ay nalinis na ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang siyudad ng Maynila mula sa mga illegal vendor, illegally parked vehicles at mga bangketa na ginawang mga barangay hall at mga tindahan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.