CHAMPIONS LEAGUE: BUENA MANO SA PETRO GAZZ, F2 LOGISTICS

MAGAAN na dinispatsa ng veteran-laden Petro Gazz ang first-timers Baguio City Highlanders, 25-10, 25-13, 25-10, sa pagsisimula ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League Sabado sa Aquamarine Sports Complex sa Lipa, Batangas.

Nakakuha ang Angels ng sapat na suporta mula kina seasoned volleyball players Ces Molina, Grethcel Soltones, Jerrili Malabanan, at  Myla Pablo.

Nagbuhos si Molina, na napunta sa koponan sa kaagahan ng taon, ng 12 points mula sa walong attacks, tatlong service aces, at isang block.

Nagdagdag si Soltones ng 8 points habang gumawa si Malabanan ng 7 markers. Kuminang si open spiker Pablo mula sa  bench sa pagtarak ng 6 points para tulungan ang Petro Gazz na palakasin ang kanilang title bid sa torneo.

Pinangunahan naman ang  Lady Highlanders nina Mary Ann Atuban at Blesie Zainen Royo na tumapos na may tig-6 points.

Babalik sa aksiyon ang Angels ngayong Linggo kontra powerhouse Chery Tiggo.

Sa ikalawang laro, nalusutan ng F2 Logistics ang malamig na simula upang walisin ang California Precision Sports, 25-21, 25-14, 25-19.

Nahirapan ang Cargo Movers sa opening set, kung saan nalamangan ito sa karamihan ng set subalit nagsanib-puwersa sina veterans Aby Maraño at Majoy Baron upang makabalik sa laro para sa 21-18 kalamangan.

Si Kalei Mau ang tumapos sa first frame sa pamamagitan ng apat na sunod na atake, 25-21.

Higit na naging matikas ang F2 sa second set, kung saan nalimitahan nito ang baguhang koponan sa 14 points sa pangunguna ni Maraño.

Tumapos si Mau na may team-high 13 points habang nagbuhos sina Maraño at Baron ng tig-11 points.

Nanguna si Casiey Monique Dongallo paea sa California na may 13 markers, pawang mula sa atake.