CHAMPIONS LEAGUE: GOLD SA F2 LOGISTICS

WINALIS ng F2 Logistics ang minamalaking Chery Tiggo, 25-20, 25-20, 25-22, sa finals upang pagharian ang inaugural Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League kahapon sa Aquamarine Recreational Center sa Lipa, Batangas.

Hindi lamang ginapi ng Cargo Movers ang 2021 Premiere Volleyball League Open Conference champion, kundi na-sweep din ang six-day tournament para sa walang dungis na 5-0 kartada.

Magkakaroon din ng pagkakataon ang F2 Logistics na katawanin ang Pilipinas sa Asian Women’s Club Volleyball Championship sa Mayo.

Pinangunahan ni Kalei Mau ang opensiba ng F2 sa pagtarak ng 16 points habang may pinagsamang 17 points sina twin towers Majoy Baron at Aby Maraño upang pangunahan ang Ramil de Jesus-mentored club sa panalo.

Ang Chery Tiggo, naglaro na wala ang star player nito na si Jaja Santiago, ay pinangunahan ni Dindin Santiago-Manabat na kumamada ng 17 points habang tumapos si Mylene Paat na may 14 markers.

Ang most consistent player sa torneo, si Kim Kianna Dy ang itinanghal na Most Valuable Player at Best Opposite Hitter upang pangunahan ang ‘Dream Team’ ng F2 Logistics.

Kinuha ni Aby Maraño, nag-ambag ng 8 points, ang First Best Middle Blocker honors, nakopo ni Tolenada ang Best Setter plum at si Dawn Macandili ang Best Libero ng torneo.