PAMPANGA- HANGGANG sa kasalukuyan ay patuloy pang inaalam ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng sunog na tumupok sa ikalawang palapag ng kapilya ng Our Lady of Holy Rosario Parish na tinatawag ding “Pisamban Maragul” sa Angeles City nitong Linggo ng hapon.
Batay sa salaysay ng Kura Paroko ng naturang chapel na si Fr. Nolasco Fernandez, naganap ang sunog dakong alas-3 ng hapon sa ikalawang palapag na ginagamit na music room ng Blessed Sacrament chapel.
Ayon pa kay Fr. Fernandez, ni-renovate ang lugar noong 2015 ng Diocese of Kalookan Bishop na si Pablo Virgilio David ay siya ring parish priest ng simbahan.
Ang sunog ay tumagal ng halos isang oras at naapula ng tatlong firetruck ang apoy dakong alas-4 ng hapon.
Nabatid na ang adjacent sacristy at simbahan na sumailalim sa renovation dulot ng magnitude 6.1 na lindol noong Abril 2019 na napinsala ay suwerteng hindi naabot ng apoy.
Ang simbahan ay pinangalanan ng pamahalaan bilang isang “istruktura ng pambansang kahalagahan,” na naging lugar ng unang anibersaryo ng deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya, na makikita sa isang marker.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin matukoy ang pinagmulan ng sunog. EVELYN GARCIA