ISINUSULONG ni Senate Committee on Economic Affairs and Energy chairman Win Gatchalian ang pagkakaroon ng charging stations at parking slots para sa electric vehicles.
Ayon kay Gatchalian, ito ay bilang suporta sa pagkakaroon ng mga biyahe gamit ang e-vehicles sa local transportation sa bansa.
Sa Senate Bill No. 2137 na inihain ng senador, direktang inaatasan ang Department of Energy ( DOE) na bumuo ng Electric Vehicle Roadmap na naglalayong i-promote ang e-vehicle transportation.
Sa naturang panukalang batas, inaatasan din ang DOE na gumawa ng Charging Infrastructure Development Plan sa ilalim ng government power development plan.
Ayon kay Gatchalian, ang kakulangan ng charging stations para sa e-vehicles ang nakikita niyang problema para mas maging epektibong transportasyon sa bansa ang e-vehicles.
Gayundin, sa nasabing panukala ay nire-require ang privare at public buildings o establishments na magkaroon ng sariling parking slots na may charging stations para sa e-vehicles.
Nakasaad din sa panukalang batas na exempted na sa construction at renovation permit ang sinumang magtatayo ng charging stations.
Inaatasan din ang lahat ng gasoline stations na magkaroon ng charging stations at kung lalabag dito ay hindi iisyuhan ng DOE ng certificate of compliance ang isang gasoline station.
Nilinaw rin ni Gatchalian sa kanyang panukala na hindi lamang tinuturuan na magtipid sa gasolina ang transportasyon kundi makatutulong din ito para sa pagkakaroon ng malinis na hangin sa kapaligiran. VICKY CERVALES
Comments are closed.