Dahil sa pag-akyat ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging “dark horse” ang ngayo’y tumatakbo sa pagka-senador na si Luis “Chavit” Singson, ayon sa pinaka-huling datos na isinagawa ng Tangere, isang online polling body.
Base sa “The 2025 Pre-Election Senatorial Preferential Survey”, 11.29% ang itinaas ng grado ni Chavit kung ikukumpara sa nakaraang buwan, laban sa iba pang 66 na makakatunggali nito sa pagka-senador.
Batay naman sa isa pang survey provider na Pulso Ng Bayan, 22.75% naman ang itinaas ng kanyang grado, na siyang pinakamataas kumpara sa lahat ng senatoriables sa paparating na 2025 midterm elections.
Ayon sa “Team Chavit Singson”, bagama’t nasa 20-23 na puwesto ang kanilang kandidato, lubos naman nila itong ikinagagalak at itinuturing na isang “positive development” na tanda ng lumalawak na suporta ng bayan sa kanyang pagtakbo.
Ani pa nila, lubos din nilang ipinagpapasalamat ang higit pang lumalawak na voter reach nito, lalo na sa National Capital Region, Northern, Central at Southern Luzon, at patuloy pang pag-iibayuhin ang pag-abot lalong-lalo na sa mga rehiyon ng Visayas at Mindanao.
Tala naman ng mga political at social media analysts, malaki ang naging papel ng mga followers sa social media ni Singson kung saan siya ay pumangatlo sa lahat ng senatorial candidates na may social media following nitong katatapos lamang na buwan ng Nobyembre, na patuloy pang nangunguna at dumarami ngayong buwan ng Disyembre.
Bukod kay Singson, ang iba pang mga kandidato sa pagka-senador na nagkaroon ng bahagyang pagtaas sa poll rating ay sina Richard Mata (4.25%), Gringo Honasan (1.29%), Camille Villar (0.54%) at Imee Marcos (0.42%).
Ayon sa Tangere, ang survey na ito ay isinagawa noong Disyembre 11-13, na may 2,400 na respondents – ang 23% ay nagmula sa Northern Luzon, 23% sa Mega Manila, 20% sa Southern Luzon, 20% sa Visayas, at 23% sa Mindanao. Ito ay may 95% confidence at margin of error na +/- 1.96.