CHECK AND DOUBLE CHECK YOUR FACTS’

HINDI maitatanggi na tayo ngayon ay nasa makabagong panahon na.

Ang mga gawain ng tao ay halos nakadepende na sa teknolohiya.

Siyempre, alam na naman natin na ang teknolohiya ay isang imbensyon sa paglapat ng kagamitan, kasangkapan, makina at proseso upang mapadali ang pang-araw-araw nating gawain o aktibidad.

Ngunit mula nang ipanganak ang internet at social media, kasabay namang isinilang ang tinatawag na “fake news” o balitang walang katotohanan.

Sa palagay ko nga, nangunguna itong kalaban sa katotohanan na talaga namang nakapipinsala sa moralidad ng sangkatauhan.

Kaya naman, para raw masugpo ito, inilunsad ng Presidential Communication Office (PCO) ang Media and Information Literacy (MIL) Project.

Bunsod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nilagdaan din ang Memorandum of Understanding sa pangunguna ni PCO Secretary Cheloy Velicaria-Garafil, katuwang ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Pasay City.

Sinasabing ito’y pinag-isang pagsisikap ng administrasyong Marcos at mga miyembro ng digital media industry laban sa misinformation at disinformation.

Ang misinformation ay hindi sinasadyang paglabas ng maling impormasyon.

Maihahalimbawa rito ang conspiracy theories daw hinggil sa 5g cellular network na noo’y inaakalang pinapalala sa paggamit nito ang pagkalat ng kanser o coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Hindi ito pinatotohanan ng mga siyentipiko o walang pag-aaral na nagpapatunay dito.

Ang masaklap, maraming tao ang nagpasa nito dahil nag-aalala sila noong panahong iyon sa kapakanan ng kanilang pamilya o kaibigan.

Kapag nagbahagi o nag-share ka ng maling impormasyon, kahit hindi mo alam kung kumpirmado ito o hindi, kasama ka na sa mga maituturing na may partisipasyon sa pagpapakalat ng misinformation.

Ang disinformation naman ay sinasadya at talagang planado para sa mga interes ng organisasyon o mga personalidad na makikinabang dito.

Nawa’y maging matagumpay ang kampanya ng pamahalaan laban sa fake news.

Layon din daw kasi ng PCO at iba pang ahensiya na isama ang MIL sa kurikulum ng mas mataas na edukasyon, pagsasanay sa komunidad, at maging sa mga programang nakatuon sa pamilya habang posible ring makatuwang dito ng gobyerno ang Google (YouTube), Meta (Facebook, Instagram, at Threads), TikTok, at X (dating Twitter).

Kaya mahalagang maging mapanuri sa lahat ng mga balitang natatanggap, nakikita o nababasa natin sa social media o internet.

Gaya nga ng prinsipyo na sinusunod sa larangan ng pamamahayag, matutong magsuri at siyempre, “check and double check your facts.”