CHECKLIST NGAYONG TAG-ULAN NANG MAPANATILING MALUSOG ANG PANGANGATAWAN

CHECKLIST NGAYONG TAG-ULAN

(Ni CT SARIGUMBA)

NAGSISIMULA na sa pagpatak ang ulan. Kung noong nakaraan ay halos banas na banas tayo sa tindi ng init ng panahon, ngayon naman ay malamig at basang paligid ang kailangan nating kaharapin.

Kung nakaiirita ang init dahil sa pawis na dulot nito na maa­aring pagmulan ng amoy, nakaiinis din naman ang ulan dahil sa basa at lamig na naidudulot nito lalo na kung may lakad tayo o patungong trabaho at eskuwelahan.

Kapag nabasa pa naman tayo ng ulan at nalamigan, sakit ang magiging karamay natin.

At para maiwasan ang magkasakit, nari­to ang ilan sa tips na kailangang isaalang-alang o dapat tandaan nang mapanatiling ma-lusog ang pangangatawan:

MAGDALA LAGI NG PAYONG O PANANGGA SA LAMIG AT ULAN

Hindi natin masasabi kung kailan uulan at kailan aaraw. Paiba-iba nga naman ang panahon. Kaya para maging handa, umulan man o umaraw, parating magdala ng payong o kahit na anong klaseng panangga laban sa lamig at ulan.

Kinatatamaran ng marami ang pagdadala ng payong pero tandaan nating mabuti na iyong handa nang may magagamit na proteksiyon sa katawan laban sa ulan.

Mas madali tayong darapuan ng sakit kung mauulanan.

MADALAS NA PAGHUHUGAS NG KAMAY

Sa mga tamad diyang maghugas ng kamay, baguhin na ang nakaugalian.

Ngayong tag-ulan, napakahalagang napananatili nating malinis ang ating mga kamay nang hindi tayo agad-agad dapuan ng sakit.

Maraming sakit pa naman ang nagkalat sa paligid at madali itong makahawa lalo na kung basa ang paligid.

UMINOM NG MARAMING TUBIG

Hindi lamang din kapag mainit ang pa­nahon tayo dapat na uminom ng  maraming tubig, gayundin kapag maulan o tag-ulan.

Ang pag-inom ng warm water ay nakatutulong upang mapanatiling maayos ang pagdaloy ng ng ating dugo at maiwasan natin ang iba’t ibang impeksiyon at allergies.

UGALIIN ANG PAG-INOM NG VITAMIN C

Importante ring uminom ng vitamin C para mapalakas ang resistensiya o ang immune system. Kapag malakas ang immune sys-tem ay mapoprotektahan nito ang sarili at hindi basta-basta da­puan ng sakit.

Ugaliin din ang pagkain ng masusustansiyang pagkain.

HUWAG KALILIGTAAN ANG MALIGO

Kapag malamig ang panahon, kung minsan ay kinatatamaran ng marami sa atin ang maligo. Huwag nating kaliligtaan ang maligo sa araw-araw upang ma­panatiling malusog ang katawan.

Maligo rin kaagad kapag galing sa labas at nabasa ng ulan.

Nakatutulong ang pagligo upang ma-stabilize ang malamig na temperature at maibalik sa normal na temperature ang katawan.

Nakatutulong din ang pagligo pagkauwi sa bahay upang matanggal ang lahat ng kumapit na dumi sa katawan.

IWASAN ANG JUNK FOOD

Nakaeengganyo nga naman ang junk food lalo na’t inaantok-antok tayo sa gitna ng pagtatrabaho. Nakawilihan na rin natin ang pagkain ng junk food, gutom man tayo o hindi. Kumbaga, hinahanap-hanap na ito ng ating sistema.

Okey lang naman ang pagkain ng junk food, iyon nga lang ay huwag itong araw-arawin dahil maaari itong makapagdulot ng problema o sakit.

PANATILIHING TUYO ANG KATAWAN

Hindi nga naman maiiwasan ang viral infections tuwing tag­lamig at tag-ulan. Kaya mahalaga na napananatili nating tuyo at mainit ang ating katawan.

Importante rin ang pagpapahinga ng tama upang maging malakas.

SIGURADUHING MALINIS ANG BUONG PALIGID

Linisin ang pali­gid sa lahat ng oras. Iwasang magtapon ng mga basurang maaaring magdulot ng pagbabara sa mga kanal na maaari namang magsanhi ng pagbabaha sa pagbuhos ng malakas na ulan. Maiiwasan din ang pagdami ng mga daga at ipis sa paligid na makapagdadala ng sakit.

Maraming sakit ang puwedeng tumama sa atin kapag tag-ulan. Kaya naman, maging maingat tayo. (photos mula sa pusongpamilya.com, skymetweather.com, justforhearts.org)

Comments are closed.