CHECKLIST PARA MAKATIPID SA PAGPAPAGANDA NG TAHANAN

TAHANAN

(ni CS SALUD)

WALANG panahon ang pagpapa-renovate ng bahay. Oo, kadalasan ay nagpapaayos ang marami ng bahay kapag summer kasi nga hindi masungit ang panahon at hindi maaabala ang ano mang gawaing kailangang matapos.

Ngunit may ilan sa atin na kung kailan magkaroon ng pera ay saka nagpapaayos ng kanilang tahanan. Kung kailan may budget, saka nagpapa-renovate ng kuwarto, kusina, sala o maging ang banyo.

Kunsabagay, nakadepende rin naman kasi sa pagkakaroon ng budget ang pagpapagawa o pagpapaayos ng bahay. At dahil may kamahalan din ang pagpapaayos ng bahay, narito ang ilan sa mga checklist nang makati­pid:

GUMAWA NG PLANO SA GAGAWING PAGPAPAAYOS NG BAHAY

Kailangan nga namang may nakahandang plano sa pagpapagawa ng bahay nang magkaroon din ng ideya kung magkano ang kakailanganing budget o magagastos.

Hindi naman kailangang mahal o malaki ang ilalaang budget sa pagpapaayos ng bahay. May mga parte rin naman kasi ng bahay na kailangan lang ng kaunting pag-aayos o kaunting pintura lang at gaganda na ulit.

Basta’t sa gaga­wing pagpapaayos ng bahay, piliin ang mga materyales na magtatagal at hindi kaagad masisira.

Mas makabubuti rin kung ang pipiliin ay iyong mga environment-friendly upang hindi makadagdag sa polusyon o maging dahilan ng sunog o problema.

Kung maliit lang naman o kakaunti lang  ang gagawin, puwede ring kayo na lang ang gumawa at huwag nang mag-hire ng gagawa.

Makatitipid pa kayo.

I-UPDATE ANG ROOM SA PAMAMAGITAN NG PAGLALAGAY NG WALLPAPER O PAGPIPINTURA

Isa rin sa pinakamurang paraan ng pagpapaganda ng tahanan ay ang paglalagay ng wallpaper o kaya naman ang pagpipintura.

Nagiging fresh tingnan at maayos ang kuwarto o bahay kapag bago ang pintura o kaya naman, bago ang wallpaper.

Marami na ring kulay ng pintura ang maaaring pagpilian na swak sa paningin ng buong pamilya. Pagdating naman sa wallpaper, may abot-kaya rin sa bulsa.

Sa ganitong gawi rin ay masisiguro mong hindi masasayang ang perang gagamitin sa pagbili ng pintura o ng wallpaper.

MAGING ORGANISADO AT HUWAG PABIGLA-BIGLA NG DESISYON

Hindi lamang din pera ang kailangan na­ting isipin kundi ang oras na gugugulin sa pagpapaganda ng tahanan.

Maging organisado nang walang masayang na oras at salapi. Huwag ding pabigla-bigla o padalos-dalos sa pagdedesisyon.

Ikonsulta muna sa ibang kasamahan sa bahay kung ano ang dapat o tamang gawin kung may gagalawin na parte ng inyong bahay.

Pahalagahan din ang opinyon ng iba upang hindi magkaroon nang hindi pagkakaintindihan. Halimbawa ay kung hindi pala sang-ayon ang iba sa pagpapa-renovate o pag-aayos. Alamin din muna ang opinyon o gusto ng mga kasama sa bahay nang maging smooth o maayos ang lahat ng gagawing hakbang.

BAGUHIN ANG PAGKAKAAYOS NG MGA KASANGKAPAN

Kung talagang gustong mapaganda ang tahanan pero walang budget, mayroon pang paraan na puwedeng gawin. At iyan ang pag­lilipat ng mga kasangkapan. O pagbabago ng ayos ng mga gamit sa tahanan.

Nagiging bago ang hitsura at gumaganda ang isang lugar lalo na kung bago rin ang pagkakaayos ng kasangkapan.

PALITAN ANG MGA SIRANG KASANGKAPAN

Kung may mga sira ring kasangkapan, mai­nam din kung papalitan na ito nang hindi mapahamak. Sa pagbili ng mga kasangka-pan o gamit, piliin ang mga dekalidad o tumatagal nang hindi magsayang ng pera.

May ilan kasi sa ating mas pinipili o binibili ang mura. Tingin kasi nila ay makatitipid sila sa ganoon.

Pero kung pangit naman ang quality ng bibilhin, hindi ito magagamit ng matagal. Masisira lang ito kaagad at mag-aaksaya ka lang ng pera. Dahil nga, bibili ka na naman.

Kaya’t nang makati­pid, piliin ang dekalidad na produkto nang mas mapakinabangan ng matagal.

PALITAN ANG MGA ILAW

Sa pagpapaganda ng tahanan, isa pa sa dapat na isaalang-alang ang swak o tamang ilaw sa bawat lugar o kuwarto.

Mas nagliliwanag din kasi ang kabuuan ng lugar kung tama at maa­yos ang ilaw na nakalagay roon.

MAGLAGAY NG MGA HALAMAN

Nakadaragdag din sa kagandahan ng isang lugar ang paglalagay ng mga halaman. Kaya’t kung gustong pagandahin ang bahay o ang bawat kuwarto, magandang option ang paglalagay ng bulaklak o halaman.

May mga halaman ding nakatutulong upang maging fresh ang hangin.

PALITAN ANG KURTINA AT BEDSHEET

Huwag ding kaliligtaang palitan ang kurtina, bedsheet, gayundin ang table cloth. Sa pagpapalit ng kurtina, piliin iyong refreshing o maganda sa paningin. Sa pagpapalit naman ng bedsheet, mainam naman kung nakare-relax ito nang makapagpahingang mabuti.

Kung nais nga namang magpaganda ng tahanan, hindi kaila­ngang gumastos ng mahal. May mga paraan upang makatipid pero magagawa pa ring mapaganda ang kabuuan ng inyong bahay.

Ilan lamang ang mga ibinahagi namin sa maaari ninyong subukan. Mga simpleng paraan pero mapaga-ganda nito at magmumukhang bago ang bawat silid ng lugar na inyong tinitirhan. (photos mula wash-ingtonpost.com, bizcommunity.com, nerdwallet.com, jojotastic.com)

Comments are closed.